Nag-uumapaw na saya at kilig ang ihahain ni Piolo Pascual para sa mga Pilipino sa kanyang sweetcom na "My Papa Pi" na mapapanood na ngayong Marso sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, iWantTFC, at TFC.
Makakasama ng nag-iisang Ultimate Heartthrob sina Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach at ang hit comedian at versatile actor na si Pepe Herrera sa bagong palabas na ito mula sa Star Creatives at sa batikang direktor na si Cathy Garcia-Molina.
Iikot ang kwento ng "My Papa Pi" sa buhay nina Pipoy (Piolo), isang single dad na nais mabigyan ng magandang kinabukasan ang anak, ang kanyang kambal na si Popoy (Pepe), na may-ari ng sikat na tumbungan na “One More Tumbong,” at si Tere (Pia), isang babaeng may mabuting kalooban na one great love ni Popoy pero may pagtingin naman para kay Pipoy.
Hatid ang iba pang timpla sa kwento ang kanilang mga kasama sa Brgy. Gintong Tupa na gaganapin nina Joross Gamboa, Alora Sasam, Hyubs Azarcon, Katya Santos, Daisy Lopez o Madam Inutz, at ang breakout stars na sina Anthony Jennings at Daniela Stranner mula sa pelikulang "Love at First Stream."
Isa ang "My Papa Pi" sa mga inaabangang bagong programa ng ABS-CBN ngayong 2022 dahil ito ang pagbabalik ni Piolo sa paggawa ng serye sa ABS-CBN mula pa noong 2020. Sweetcom kung tawagin ang kanyang bagong show na magpapangiti at magpapatibok ng puso ng mga manonood. Kaabang-abang din ang atake rito ni Direk Cathy na kilala sa kanyang box-office films at hit teleseryes. Ito rin ang pagbabalik sa pag-acting ni Pia na bumida sa Star Cinema film na "My Perfect You" at naging host ng "World of Dance Philippines" at "Pia's Postcards."
Patuloy naman ang pag-angat ni Pepe sa showbiz bilang komedyante matapos ang kanyang paglabas sa mga pelikula at serye tulad ng "Princess Dayareese," "Jhon En Marsha," "Hoy, Love You," at "The Killer Bride."
“Si Direk Cathy gusto ko makatrabaho ulit kasi siya ‘yung first ko sa TV sa “Forevermore” tapos si Pia at si Piolo nakikita ko lang dati sa TV or sa ASAP, hi hello lang, so naku-curious ako sa kanila. I feel very blessed and grateful,” kwento ni Pepe.
Sa "My Papa Pi," handog nina Piolo, Pia, at Pepe, at buong cast, ang mga aral sa buhay, pag-ibig, pagkakaibigan, pagkakaisa, at second chances bukod sa kilig at saya na pangunahing sangkap sa recipe ng programa.