Tagos sa pusong mga karakter ang gagampanan nina Julia Montes, Janice De Belen, at Sharon Cuneta para sa una nilang ABS-CBN teleserye na magkakasama-sama para sa “Saving Grace,” ang Philippine adaptation ng hit Japanese drama na “Mother” mula sa Nippon TV.
Sa teasers pa lang ng serye na ipinasilip, agad na naiyak ang viewers sa mensahe ng kwento na iikot sa child abuse at domestic violence. Inaabangan din kung paano bibigyang-buhay nina Julia, Janice, at Sharon, kasama ang mga co-star nilang sina Sam Milby, Jennica Garcia, at Christian Bables, ang kani-kanilang mga karakter.
Makikilala rin sa serye si Zia Grace bilang si Grace, ang pinakabagong child actor na dudurog sa puso ng mga manonood sa pagganap niya bilang isang inaabusong anak na naghahanap ng pagmamahal ng isang ina.
Kabilang din sa “Saving Grace” sina Sophia Reola, Eric Fructuoso, Adrian Lindayag, Aya Fernandez, Mary Joy Apostol, Andrez Del Rosario, Fe de los Reyes, at Elisse Joson. Magsisilbing mga direktor naman sina FM Reyes at Dolly Dulu.
Abangan ang “Saving Grace” sa Primetime Bida sa darating na 2025.