World-class family entertainment, hatid ng bagong kiddie performers ng Your Face Sounds Familiar Kids


Bagong barkada ng talented kiddie performers ang dadaan sa cute transformations kada weekend upang magbigay ng world-class family entertainment ngayong summer sa bagong season ng “Your Face Sounds Familiar Kids.”
 

Simula Mayo 5 at 6, level up ang performances at kulitan ng sampung Kapamilya child stars na nagmula sa iba’t ibang larangan ng industriya at ita-transform ang kanilang itsura, galaw, at boses bilang local at international music icons.
 

Una na riyan ang “Anghel ng Masa” na si Marco Masa, na bago nagpatawa sa telebisyon sa “Goin’ Bulilit” ay nakilala bilang bida ng values-oriented primetime teleseryes na “Nathaniel” at “My Super D.”
 

Bida rin sa naturang sitcom ang “Bulilit Kikay” na si Chun-Sa, na unang nagpasikat at nakilala ng mga manonood sa kanyang panggagaya kay Maja Salvador sa “Mini Me” ng “It’s Showtime.”
 

Hindi rin bago sa “Bibong Astig” na si Onyok Pineda ang panggagaya dahil bago pa man umarte sa “FPJ’s Ang Probinsyano” at pelikulang “Ang Panday,” ginaya na niya ang idolong si Bamboo sa “Mini Me.”
 

Samantala, gagamitin ng “Kiddie Kontesera”  na si Esang De Torres ang kanyang karanasan sa mga singing contest na “The Voice Kids” at “Mini Me,” pati na pagbibida sa mga international musical gaya ng “Les Miserables” at “Matilda the Musical” upang pagtagumpayan ang laban kada linggo.
 

Sanay naman sa standing ovation ang “Inday Wonder” na si Sheena Belarmino na hinasa ng mga patimpalak sa biritan, kabilang na ang “Tawag ng Tanghalan Kids,” kung saan hinirang siya bilang isa sa grand finalists.
 

Parehong entablado at on-cam performing naman ang hilig ng “Precious Darling” na si Krystal Brimner, na siyang bumida sa 2016 local production ng sikat na musical na “Annie” at tinanghal na Best Child Performer sa 2015 Metro Manila Film Festival para sa “Honor Thy Father.”
 

Award-winning at multi-instrumentalist naman ang “Poging Lodi” na si Noel Comia Jr., na bukod sa agaw-pansing performances sa “The Voice Kids” ay nakapagtanghal na sa higit sa sampung plays, nagwagi na ng tatlong Aliw Awards, at siyang pinakabatang aktor na nagwagi ng Best Actor trophy sa Cinemalaya Awards para sa “Kiko Boksingero.”
 

Pinagkakaguluhan naman ang online sensations at “Bigshot Trio” na sina Francis Concepcion, Mackie Empuerto, at Keifer Sanchez o pinamagatang TNT Boys. Matapos sumikat para sa kanilang makatindig balahibong singing showdowns, naging viral ulit kamakailan ang tatlo para sa kanilang performance sa “Little Big Shots UK.”
 

Magiging kakampi ng lahat ng kiddie performers ang bagong celebrity mentors na gagabay sa kanila upang maging ka-sound at ka-face ng music icons – si Jed Madela para sa pagkanta at si Nyoy Volante naman para sa mga kilos at galaw. Level up din maging ang trainings ng kids dahil hindi na lang ito gagawin sa studio kundi sa ibang malikhain na paraan at ihahalo sa masasayang gawain na gaya ng swimming at running.
 

Magdadagdag naman ng saya ang pagbabalik ng host na si Billy Crawford at ng jurors na sina Mr. Pure Energy Gary Valenciano, Multiplatinum Singer and Songwriter na si Ogie Alcasid, at ang nag-iisang Megastar na si Sharon Cuneta, na magkokomento sa performances ng celebrity kids.
 

Tulad ng mga naunang season, linggo-linggong maghaharap ang kiddie performers nang walang elimination. Ang performer na makakakuha ng pinakamataas na puntos sa bawat episode ang siyang mag-uuwi ng cash prize, na ang kalahati ay mapupunta sa kanyang napiling charity.

 

Huwag palampasin ang pagsisimula ng sa “Your Face Sounds Familiar Kids” ngayong Mayo 5 at 6 sa ABS-CBN o sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa updates, i-like ang www.facebook.com/yourfaceph, at sundan ang @YourFacePH sa Twitter at Instagram.