Itinanghal na kauna-unahang World of Dance Philippines grand champion ang FCPC Baliktanaw ng team division matapos nilang pabilibin ang mga hurado at manonood sa parehong rounds ng finals, dahilan para sila ang hiranging panalo noong Linggo (Abril 7).
Ang team mula Bulacan ang nakakuha ng pinakamataas na combined scores ng judges at public votes na 99.05%. Bilang premyo, nag-uwi sila ng P2 milyon at ginawaran ng all-expenses paid trip to Los Angeles, USA.
Ang pagkapanalo rin nila ang magdadala sa kanila sa international stage dahil sila ang kakatawan sa bansa upang makipaglaban sa qualifiers rounds ng World of Dance USA.
Nakilala ang grupo sa pagsasayaw ng street hip-hop na may halong kakaibang Pinoy flavor.
Lubos naman ang pagkamangha ng mga hurado sa kanilang performance at nagbigay ng sari-saring papuri para sa grupo.
“Ayan ang tinatawag na swag. Ang swag ng Pinoy, nasa inyo talaga. Kung saan man kayo makarating, magiging sobrang proud ako. Nakaka-proud maging Pinoy,” natutuwang sabi ni Maja Salvador.
“Kaming judges hindi namin nakikita ang routines ng hindi namin mine-mentor. Bilib ako sa FCPC. Alam kong meron silang gagawin (nakakamangha). Alam kong meron silang idadagdag,” komento naman ni Gary Valenciano.
“Isa lang masasabi ko: ang galing niyo,” sabi ni Billy Crawford na hindi napigilang mapasigaw at mapatayo mula sa kinauupuan.
Hinirang naman na 2nd runner up ang duo nina Luka at Jenalyn ng upper division na nakakuha ng 96.38% para sa kanilang madamdaming dance routines sa parehong rounds ng finals. Nagkamit naman ng 94.38% si Ken San Jose mula junior division matapos niyang ipakita ang galing sa paghataw sa dance floor.