• SATURDAY AND SUNDAY BEFORE PILIPINAS GOT TALENT
  • SATURDAY AND SUNDAY BEFORE PILIPINAS GOT TALENT
Awra, makakalipad na nga ba sa “Wansapanataym?”

Ipakikita ni Ving ang kanyang katatagan sa pagtupad ng kanyang pangarap na maging superhero dahil patuloy niyang susubukang paganahin ang batong ipinamana ni Super Bing (Ellen Adarna) upang ganap siyang maging tagapagligtas sa “Wansapanataym Presents: Amazing Ving” ngayong Linggo (Aug 13).

Ipinagkaloob na nga ni Super Bing kay Ving ang mahiwagang bato matapos itong matalo sa pakikipaglaban kay Reptilya (Bianca Manalo) kasama si Maskarada (Carmi Martin), ang ina ni Ving na pinanasusunod ng halimaw gamit ang hipnotismo. Ngunit kahit nasa kanya na ang bato, sawi pa rin itong makapagpalit-anyo bilang tagapagligtas, kaya naman patuloy na maghahasik ng lagim si Reptilya at mga kampon nito sa mga inosenteng tao.

Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, matatauhan si Maskarada at babalik ang alaala bilang Soffy. Dahil dito, pupuntahan niya ang kanyang naiwang pamilya upang makaligtas mula sa kasamaan ni Reptilya. Pero sa kasamaang palad, masusundan pa rin siya nito at ilalagay ang kanyang buhay sa panganib.

Ano nga kaya ang kahahantungan ni Soffy sa kamay ni Reptilya? Malaman kaya ni Ving na buhay pa ang kanyang ina? Ito na kaya ang takdang panahon para maging ganap siyang superhero?

Parte rin ng “Wansapanataym Presents: Amazing Ving” sina Roderick Paulate, Ria Atayde, AC Bonifacio, at ang unang pagtatambalan nina Kisses Delavin at Marco Gallo sa telebisyon. Ito ay sa ilalim ng direksyon ni Alan Chanliongco.

Samantala, ang serye ay karagdagan sa humahabang listahan ng mga kuwentong puno ng aral na inihahandog ng “Wansapanataym.” Sa halos dalawang dekadang pag-ere nito sa telebisyon, patuloy itong nangunguna sa national TV ratings at nag-iiwan ng mga aral sa mga manonood sa buong bansa. Umani na rin ito ng parangal mula sa iba’t-ibang award-giving bodies gaya ng Prix Jeunesse International Festival in Germany, KBP Golden Dove Awards, Gawad Tanglaw, PMPC Star Awards at Catholic Mass Media Awards.

Huwag palampasin ang kuwento ng katapangan at pag-ibig sa “Wansapanataym Presents: Amazing Ving,” tuwing Linggo pagkatapos ng “Little Big Shots” sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa past episodes ng programa, pumunta lamang sa iWant TV o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.