• MONDAY-FRIDAY AFTER ANG SA IYO AY AKIN
  • MONDAY-FRIDAY AFTER ANG SA IYO AY AKIN
Paulo, Zanjoe, Arci, at Angelica, bibida sa bagong ABS-CBN action-drama serye na “Walang Hanggang Paalam”

Sa gitna ng krisis, ano ang tunay na mahalaga sa isang magulang at sa isang tunay na nagmamahal – ang pamilya, sarili, o tungkulin?

Susubukin ng isang krimen ang mga karakter nina Paulo Avelino, Zanjoe Marudo, Arci Munoz, at Angelica Panganiban sa kanilang pagsasama-sama sa pinakabagong action-drama serye na Walang Hanggang Paalam, na mapapanood na sa Lunes (Setyembre 28).

Sa naturang araw, dadalhin ng ABS-CBN ang bagong aabangang kwento ng mga Pilipino sa buong mundo dahil sabay-sabay itong mapapanood sa Pilipinas, Europe, Middle East, Asia-Pacific, Australia, at New Zealand sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, at iWant TFC.

Sa serye, gagampanan nina Angelica at Paulo sina Celine at Emman, magkasintahang magkakahiwalay at mauudlot ang pangarap na magkaroon ng isang buong pamilya dahil sa pagkakulong ni Emman. Dahil kumbinsidong kriminal ang nobyo, lalayuan siya ni Celine na mag-isang itataguyod ang anak nilang si Robbie.

Sa paglaya ni Emman pagkalipas ng maraming taon, ibang buhay na ang makakagisnan niya dahil nakahanap na ng bagong pag-ibig si Celine sa piling ni Anton (Zanjoe), isang mayamang negosyante.

Hindi pa man nagkakapatawaran ang dating magkasintahan ay muling guguho ang mundo nila nang ma-kidnap ang kanilang anak ng isang pinaghihinalaang sindikato at mapipilitang magtulungan upang mailigtas ito.

Sa kabila ng paghahanap nila kay Robbie, mabubuksan lamang ang mga hinanakit nila sa isa’t isa, samantalang maiipit naman si Celine sa gitna nina Emman at Anton na parehong gustong patunayan ang pagmamahal nila para sa mag-ina.

Makakahanap naman ng kakampi at karamay si Emman kay Sam (Arci), isang dating kaibigang lihim siyang minamahal at tutulong din sa kanyang hanapin si Robbie.

Ano ang kayang isakripisyo nina Celine, Emman, Anton, at Sam para matagpuan si Robbie?

Kasama rin sa cast ng Walang Hanggang Paalam sina Jake Cuenca, JC Santos, Tonton Gutierrez, Lotlot de Leon, Ronnie Lazaro, McCoy De Leon, Mary Joy Apostol, Sherry Lara, Victor Silayan, Javi Benitez, at Cherry Pie Picache. Idinirek ito nina Emmanuel Palo at Darnel Villaflor sa ilalim ng produksyon ng Dreamscape Entertainment.

Abangan ang Walang Hanggang Paalam ngayong Lunes (Setyembre 28), 9:20 PM sa cable at satellite TV sa Kapamilya Channel (SKYchannel 8 sa SD  at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, G Sat Direct TV channel 22, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications Association sa buong bansa).

Panoorin din ito sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iWant app o iwanttfc.com, at TFC sa iba’t ibang bansa.