Pinalad ang ilang kumandidatong bituin nang manalo sa halalan 2019. Patuloy ang swerte ni Vilma Santos at ang iba, nag-number 1 pa sa kanilang baluarte.
Kung maraming natalo na celebrity politicians sa halalan 2019, may mga namayagpag din, kabilang na si Jestoni Alarcon na number 1 sa Provincial Board Member of bokal sa 1st District ng Lalawigan ng Rizal.
“Hindi tayo pinabayaan ng Rizaleño. 1st district, maraming salamat po pero para sa akin, ang Rizaleño ang tunay na number one kasi sila ang number one na seserbisyuhan natin,” ani Jestoni.
Wagi rin si Angelica Jones bilang bokal ng District 1 ng Laguna. Nanalo din ang re-electionist na sina Richard at Lucy Gomez bilang Mayor at Congressman ng Ormoc, Leyte, Vilma Santos na Congressman-elect ng Lipa City at Imelda Papin na Vice Governor-elect ng Camarines Sur.
Matamis din ang tagumpay para kay Makati City Councilor-elect na si Tosca Puno, anak ni Rico J. Puno at kay Jhong Hilario na nanguna sa mga binotong konsehal sa Makati.
“Kailangan pa rin nating pagtrabahuan ang tiwalang binigay sa atin,” ani ng It’s Showtime host na si Jhong.
Tagumpay din ang Revilla dynasty sa uncontested na panalo ni Jolo Revilla bilang Vice Governor ng Cavite. Nanalo ang tiyahin niyang si Andrea Bautista-Ynares bilang Antipolo City Mayor-elect at ang tiyuhing si Strike Revilla na Cavite Congressman-elect. Bacoor Mayor-elect naman ang ina ni Jolo na si Lani Mercado habang nakaantabay pa ang proklamasyon ng isa pa niyang tiyuhin na si Marlon Bautista bilang congressman sa party list ng 1-Pacman. Tinitiyak pa ang pinal na bilang sa ama ni Jolo na si Bong Revilla sa senate magic 12.
Lalo na mang lumakas ang pamilya Sotto sa pagiging bagong alkalde ng Pasig ni Vico Sotto. Ang mga pinsan niyang sina Gian Sotto ay proclaimed na bilang Quezon City Vice Mayor samantalang Councilor-elect naman si Wahoo Sotto sa Parañaque.
“Hindi pa nagsi-sink in sa akin na may anak akong mayor.” pahayag ng tatay ni Vico na si Vic Sotto.
Sa mga nalaglag niyang kasama, may payo si Alarcon, “’Pag talagang nasa puso mo, ang pagseserbisyo, makakabalik at makakabangon ka ulit.”
Ang buong detalye sa pagpapatro ni Mario Dumaual.
If you are in the Philippines, watch the FULL episode on www.iwant.ph
If you are outside the Philippines, watch the FULL episode on www.tfc.tv