Ibinunyag ni Vic Sotto na sa kasagsagan ng kampanya ng anak niyang si Vico, ipinagbawal umano ang pagbebenta ng kakaning biko sa palengke sa Pasig. Hindi naman naiwasang ihambing ni Bossing ang laban ng anak sa kwento nina David at Goliath.
Sa gitna ng tagumpay ni Vico Sotto sa pagbuwag ng isang political dynasty sa Pasig City, hindi makalimutan ni Vic Sotto ang pinagdaanan nila ng kaniyang anak sa kainitan ng kampanya. Kabilang na ang pagbabawal umano ng pagbenta ng kakaning biko sa palengke.
“Alam mo pinagbabawal ang pagbenta ng biko. Ganun ka-petty, akala joke lang? Hindi! Totoo!” pahayag ni Bossing.
“’Pag upo ni Vico, makakakain na ulit ng biko, pwede na magbenta ulit ng biko sa Pasig,” natatawa pang sinabi ni Vic.
Ayon naman kay Pasig City Information Officer Catherine Shubal, walang opisyal na pagbabawal mula sa pamunuan ng lungsod sa pagbenta ng biko sa palengke bago maghalalan. Hindi rin daw inaalis ang karapatan ng mga Pasigeño na bumili, magbenta, o kumain ng biko.
Inihambing naman ni Vic ang laban ni Vico sa kwento ni David at Goliath, “Maliit lang ang katawan, hindi kaya ‘yung armor. Slingshot lang siya, pero sa faith niya sa Diyos, eh tinalo niya sa Goliath.”
Pero handa na raw si Vico na makipag-ayos sa mga katunggali. Saludo rin si Vic sa dati niyang partner na si Coney Reyes.
“Head ng mga prayer warriors ni Vico eh, dun magaling si Coney. Parating paalala na ilagay sa tama.”
Iginiit pa ni Vic na hindi siya papapel sa pamumuno ng anak, “Supporting actor lang. Ang leading man dito, ang bida dito, si Vico. Mas marami siyang alam kaysa sa akin. Kasi ‘yung experience niya sa government, sa civil society, ako’y tiwala sa kanya na he will deliver.
Hindi rin daw niya mamadaliin ang itinuturing ngayon na most eligible bachelor ng Pasig na pumili na ng kanyang first lady.
Exclusive na nagpapatrol si Mario Dumaual.
If you are in the Philippines, watch the FULL episode on www.iwant.ph
If you are outside the Philippines, watch the FULL episode on www.tfc.tv