Humataw sa takilya ang pelikulang “Unbreakable” ng Star Cinema sa loob lang ng tatlong araw na pagpapalabas nito sa mga sinehan sa bansa. Ang kinita ng nasabing pelikula ay umabot na sa mahigit PHP 29.3 million, kaya naman abot-langit ang pasasalamat ng pamunuan ng Star Cinema sa suporta ng mga manonood sa kanilang proyekto.
Bida sa “Unbreakable” ang mga Kapamilya stars na sina Bea Alonzo, Angelica Panganiban, at Richard Gutierrez. Sentro ng pelikulang ito ang kwento ng dalawang matalik na magkaibigan na sina Deena Yambao (Angelica Panganiban) at Mariel Salvador (Bea Alonzo), na sinubok ang samahan. Bagaman aminadong nagkaroon ng falling out ang kanilang pagkakaibigan, mas tumibay ang kanilang relasyon nina Bea at Angelica nang magkasama sila sa movie project na ito.
Kinilala naman si Bea Alonzo bilang isa sa mga awardees sa Asian Stars: Up Next ng International Film Festival Macau. Sa natanggap na parangal, magkahalong emosyon ang naramdaman ni Bea. Pag-amin ni Bea, “Of course I feel so grateful. I mean, to be even recognized by prestigious award [giving body]. Malaking bagay siya, I mean, when you’re doing your films hindi mo naiisip ‘yung ganyang klaseng validation.” Layon ng naturang parangal na kilalanin ang mga mahuhusay na actors at actresses mula sa iba’t ibang bansa sa Asya. Pinasalamatan ni Bea ang lahat ng sumusuporta sa kanya sa pamamagitan ng isang post sa social media. Bukod dito, featured din si Bea sa international showbiz website na ‘Variety.’
Samantala, regular naman na napapanood si Angelica sa Sunday gag show sa ABS-CBN na Banana Sundae.