Magbabalik ang tinaguriang pambansang game show ng bansa na “Game KNB?” na mapapanood sa Pinoy livestreaming app na Kumu at sa premium cable channel na Jeepney TV simula ngayong Oktubre 12 (Lunes).
Pangungunahan ni Robi Domingo ang mas pinabonggang programa na unang ipinakilala ng ABS-CBN. Bukod sa pagiging game master ng trivia-based game portion na “Pili-Pinas,” gagawin ni Robi ang daily challenges base sa request ng viewers sa pagtatapos ng bawat programa.
Nilunsad ang original na Game KNB? noong panahong sumikat ang text messaging at nagsilbing kauna-unahang game show sa bansa gamit ang nasabing interactive component. Nagbabalik ito ngayon bilang online game show sa panahon ng livestreaming at handa nang magkamit ng iba’t ibang tagumpay sa digital sphere.
Mula Lunes hanggang Biyernes, mapapanood ang livestream ng “Game KNB?” sa Kumu (@gknb) kung saan pwedeng sumagot ang mga manonood ng trivia questions gamit ang kanilang mobile phones. Maaaring magwagi ng hanggang Php 10K araw-araw ang maswerteng manlalaro sa unang season ng “Game KNB?” Pwede ring mapanood ang programa sa Jeepney TV at makilahok ang mga manonood sa #TeamBahay Question of the Day sa Jeepney TV Facebook page para manalo ng special prizes.
Unang emere ang popular na game show taong 2001 hanggang 2009 sa ABS-CBN kasama si Kris Aquino at nang lumaon ay si Edu Manzano bilang host. Naging paboritong game show ng mga Pinoy, consistent top-rater ang programa sa telebisyon hanggang sa mamaalam ito sa ere.
Bukod sa kwelang laro at malalaking papremyo, naging tanyag din ang Kapamilya program sa mga katagang “Korek!” at “May tama ka!” at sa Papaya dance craze na pinasikat naman ni Edu.
Abangan ang “Game KNB” simula Oktubre 12, Lunes hanggang Biyernes, 12nn sa Kumu (@gknb) at sa Jeepney TV. Mapapanood ang Jeepney TV sa SKYcable channel 9, Destiny Cable Analog 41 at Digital 9. Maaari ring magsubscribe sa Jeepney TV YouTube channel para sa iba pang exclusive videos.