Inilunsad ng ABS-CBN noong Marso 19 ang “Pantawid ng Pag-ibig” fund-raising campaign kaisa ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa Metro Manila at mga pribadong kumpanya upang makapaghatid ng pagkain at mga kakailanganin sa araw-araw sa mga Pilipinong lubos na naaapektuhan ng community quarantine sa Metro Manila.
Sa gitna ng apila ng gobyerno sa publiko na manatili sa kanilang mga tahanan upang maiwasan ang pagkalat ng virus, maraming Pilipino ang hindi makapagtrabaho o makapag-hanapbuhay para matustusan ang pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.
Sabi ng Presidente at CEO ng ABS-CBN na si Carlo Katigbak, “Hangad po namin na walang magugutom sa panahong ito. Tulad sa lahat ng ating mga pinagdaanan, ang magliligtas sa atin ay ang pagmamahal sa isa’t isa.”
Sa “Pantawid ng Pag-ibig,” gagamitin ng ABS-CBN ang malilikom na donasyon sa pagbili ng pagkain at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga pamilya. Apat sa kumpanyang nangakong magsusuplay ng kanilang mga produkto para sa relief packages ay ang Century Pacific Food Inc, Suy Sing Commercial Corporation, Republic Biscuit Corporation, at ang Lucio Tan Group.
Ang mga produktong ito ay ipapasa sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila. Bawat isa sa 17 mayor dito ang mangunguna sa paghahanda at pamamahagi ng relief packages sa kanilang mga kababayang kailangan ng tulong.
Ayon kay Katigbak, nanguna na ang Lopez Group of Companies sa pagbibigay ng tulong sa kanilang P100 milyong donasyon sa “Pantawid ng Pag-ibig.” Sa tulong at suporta mula sa publiko at pribadong sektor, at sa patuloy na pagtitiwala at pakikiisa ng mga lokal na pamahalaan, umaasa ang ABS-CBN na mapalawig pa ang serbisyo nito sa labas ng Metro Manila, kung saan marami rin ang nahihirapan at humihingi ng tulong.
Ang mga nais tumulong ay maaaring mag-deposito ng cash donation sa ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation Inc.-Sagip Kapamilya bank accounts sa BPI peso account 3051-11-55-88, Metrobank peso account 636-3-636-08808-1, BDO peso account 0039301-14199, at BDO dollar account 1039300-81622.