Ngayong gabi ng December 27 ang inaabangang awards night ng Metro Manila Film Festival 2019 na mangyayari sa Cubao, Quezon City. Matindi ang mga pangalang magtatapat sa acting categories gaya ng Best Actor, kung saan maugong ang pangalan ni Aga Muhlach para sa “Miracle in Cell No. 7.”
Dama ni Aga ang positibong reaksyon ng mga manonood sa kanilang pelikula, nang mag-ikot sila sa mga sinehan nitong December 26. Kwento ng aktor, “Nung nakapasok kami ng Metro Manila Film Festival, ang “Miracle in Cell No. 7,” parang nanalo na kami roon. Kaya masayang-masaya kami nakagawa kami ng pelikula. So, kung ano man ang dadagdag pa doon, maraming maraming salamat.” Makakalaban ni Aga sa category sina Coco Martin para sa “Tripol Trobol: Huli ka Balbon,” Joem Bascon para sa “Culion,” at si Allen Dizon para naman sa “Mindanao.”
Sa Best Actress category, magtatapat ang magkaibigang Iza Calzado at Judy Ann Santos. Matindi ang laban dahil kasama rin sa listahan sina Bela Padilla para sa “Miracle in Cell No. 7,” Anne Curtis para sa “The Mall, The Merrier,” Carmina Villaroel para sa “Sunod,” at Jennylyn Mercado para sa “Tripol Trobol: Huli Ka Balbon.” Kwento ni Iza, “Happy na ako na may laban ako, ‘yung masabi mo lang sa akin na may laban ako [ok na ‘yun.] It would be hypocritical of me to say that an award doesn’t matter. It does because it motivates you.”
Ilan sa mga matunog na mag-uuwi ng parangal ay ang obra ng batikang manunulat na si Ricky Lee na “Culion,” at ang likha ni Brillante Mendoza na “Mindanao” na una nang pinarangalan sa Cairo Film Festival ngayong 2019. May ibibigay din na technical awards gaya ng Best in Editing, Cinematography, Musical Score, at Production Design. Bibigyang-pagkilala rin ang ilang previous winners ng MMFF gaya nina Christopher de Leon, Amy Austria, Maricel Soriano, at Vilma Santos-Recto.