Mainit na pinag-uusapan ngayon sa social media ang paghataw ng fans at mga artista sa kantang “Tala” ni Sarah Geronimo.
Sa kwento ni Marc Logan, symbolic ang bituin tuwing Pasko, pero may isang “Tala” na nagningning ngayong 2019. Pagkatapos ng apat na taon nang mai-release ito, nag-viral ang dance moves ng “Tala” na hit song ng Popstar Royalty at choreography ni Teacher Geocelle Dapat-Sy at ng grupong G-Force.
Ngayong 2019, muling nabuhay ang interes ng netizens sa kanta dahil sa isang trending na video. Mapapanood dito ang ilang mga kabataang hindi pinayagan ni Aling Nelia na maglaro ng volleyball sa isang bakanteng lote. Dahil suportado ng awtoridad si Aling Nelia, walang magawa ang mga ito. Pero hindi sila papayag nang paalisin lang sila nang hindi man lang nagpapahayag ng kanilang saloobin. Ang kanilang protesta ay idinaan nila sa pagsayaw ng “Tala.”
Ngayon, muling naririnig ang kanta sa buong Pilipinas. At pati mga celebrities, sumali na rin sa nauusong dance craze. Kabilang sa mga sumubok sa hamon ay sina Maine Mendoza, Loisa Andalio, Maris Racal, Sue Ramirez, Ella Cruz, at iba pa. May video rin si Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid na nakikipagsabayan sa original interpreter nito na si Sarah G. Maging ang bandang Ben&Ben, hindi nagpahuli na sinayaw ito sa isang gathering. Siyempre, sumabak din ang mga fans. Patok din sa mga non-celebrities ang catchy na lyrics at tono ng nasabing kanta kaya marami ang kumasa sa hamon. Mayroong teacher, expectant mother, at maging isang bagong daddy.