February 20, 2020 Statement
Carlo Katigbak
President & CEO
Mga kapamilya,
Isa po ako sa labing-isang libong empleyado ng ABS-CBN na nagpapasalamat sa pagkakataong makapaglingkod sa inyo.
Sa mga darating na araw, mabibigyan kami ng pagkakataong linawin ang mga isyu tungkol sa aming prangkisa. Wala po kaming nakikitang dahilan para hindi magtuloy ang paglilingkod ng ating ABS-CBN. Gayun pa man, kami ay handang sumunod sa anumang proseso na dapat pagdaanan ayon sa batas.
Sa nakaraang 65 years, naging tapat po kami sa aming misyon na maging In the Service of the Filipino. Sa lahat po ng aming pinaglilingkuran, isang karangalan po na kami'y naging bahagi ng inyong tahanan at ng inyong pamilya. Sana po ang aming mga programa ay nagbibigay ng impormasyon, saya, pag asa at inspirasyon sa inyo. Sana po nakatulong sa inyo ang mga serbisyo publiko ng ABS-CBN Foundation tulad ng Bantay Bata at Sagip Kapamilya.
Serbisyo po ang layunin ng ABS-CBN. Ngunit kami po ay hindi perpekto. Nagkakamali din po kami at handa po naming itama ang anumang pagkukulang. Kasama ito sa proseso ng pagiging isang mas matatag na kumpanya.
Sa aming mga mambabatas, nasa inyong kamay po ang kinabukasan ng ABS-CBN. Nagtitiwala po kami sa sinasabi ninyo na mabibigyan kami ng pagkakataong sagutin ang mga katanungan ng mga mamamayan. Dinarasal din namin na makita ninyo ang mga kabutihang naidulot ng ABS-CBN sa bawat pamilyang Pilipino.
Para sa mga kapwa ko empleyado sa ABS-CBN…mga Kapamilya, salamat sa inyong sipag at katapatan sa patuloy na pagbibigay serbisyo sa kapwa Pilipino. Alam ko po kung gaano kahirap magtrabaho habang kayo ay nagaalala sa inyong hanapbuhay at nangangamba sa kapakanan ng inyong mga pamilya. Asahan niyo po na gagawin namin lahat para matuloy ang serbisyo ng ABS-CBN.
Para sa napakadaming nagpahayag ng suporta sa ABS-CBN, maraming maraming salamat po. Ang mga pahayag ninyo ay nagbibigay sa amin ng tibay ng loob at lakas, lalong lalo na sa oras ng matinding pagsubok. Asahan niyo po na ipaglalaban namin ang pagkakataong ituloy ang serbisyo sa inyo.
Sa mga darating na araw, hinihingi po namin ang inyong panalangin na magtutuloy ang ating pagsasama. Sa ABS-CBN po, naniniwala kami na Family is Forever.
Maraming Salamat, Kapamilya.