Hindi pa man tapos ang kompetisyon, feeling winner na si Marcelito dahil sa buhos ng mga offers at imbitasyon na kanyang natatanggap, kabilang na ang offer mula sa isang talent competition sa bansang Germany.
Sa ngayon, nananatiling top secret ang magiging performance ni Marcelito sa grand finals next week. Walang public text votes na mangyayari at tanging mga super fans ang magde-decide kung sino ang mananalo. Kabilang sa mga magdedesisyon para sa finals ang limampung fans na napili ng kompetisyon.
Nakabalik na sa bansa si Marcelito matapos ang AGT semi-finals. Kaliwa’t kanang pagbati at selfie ang sumalubong kay Marcelito sa airport. Ikinuwento ng singer na muntik pa siyang hindi makapag-perform dahil sa paninikip ng dibdib. Paglalahad niya, nanikip ang kanyang dibdib habang nagfi-fit ng susuotin at “Hindi ko alam kung ano nangyari sa dibdib ko, sobrang sakit talaga. Sabi ko sa asawa ko hindi ako makagalaw. Before kami mag-perform nagpa-check up kami dun sa medic mismo kasi meron silang naka-ready na medic eh. So sabi sa akin, baka ano daw muscle pain or muscle [spasm] lang.”
Sa soundcheck, pitong beses pa siyang nag-rehearse at aminadong hindi naibigay ang 100% dahil sa iniindang sakit. Dagdag pa niya, “Hindi ko naman pwedeng ibirit agad, baka biglang umano eh, baka may mangyari eh, kaya alalay na lang ako sa sarili ko.”