Sakto sa kanyang kaarawan ngayong araw ang anunsyo na magkakaroon si People’s Champ Manny Pacquiao ng wax figure sa prestihiyosong Madame Tussauds Museum sa Hong Kong.
Sa ulat ni Dyan Castillejo, naging mabusisi ang pagkuha ng bawat detalye ng boxing star. Halos anim na oras ang sitting procedure ni Manny kasama ang staff ng nabanggit na wax museum. Katunayan, lumipad pa papuntang Pilipinas ang creative director na si Dave Garder para bantayan ang proseso ng paggawa ng wax figure. Para kay Manny, karangalan para sa bansa ang makasama ang isang Pinoy sa mga icons sa Madame Tussauds Museum.
Naka-boxing pose ang magiging wax figure ni PacMan na ididisplay sa museo sa Hong Kong. Madugo ang naging proseso dahil kinunan muna si Manny ng litrato sa iba’t ibang anggulo. Kailangan din siguraduhing tugma ang kulay ng kanyang kutis, mata, buhok, pati na ang ngipin. Kwento ni Dave, “It’s just a lot of work. A lot of time goes into it. So, you see today when we even the colors, even the teeth... just to match as well as we can.”
Si Manny ang unang lalakeng Pinoy na magkakaroon ng wax figure sa Madame Tussauds. Makakahanay niya ang iba pang world-class athletes, pati na si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach na unang Pinay na napabilang sa museo. Dagdag pa ni Dave, “I’m really excited, I’m a big fan of [Manny]. He is a big name for us in boxing.” Plano ni PacMan na dalhin ang kanyang buong pamilya sa Hong Kong kapag tapos na ang wax figure. Kwento ng Boxing Champ, “[Hong Kong] is the closest [country] and easiest to go while you are in vacation.” Tatagal ng anim na buwan ang paggawa ng wax figure ni Manny sa England, at ang good news, una itong ipapakita sa Pilipinas sa susunod na taon.