OPENING STATEMENT
ABS-CBN PRESIDENT AND CEO CARLO KATIGBAK
at the House of Representatives’ committee hearing
1 June 2020
The honorable Chairman of the House Committee on Legislative Franchises Congressman Franz Alvarez, the honorable Chairman of the House Committee on Good Government Congressman Jose Antonio Sy-Alvarado, the honorable Speaker of the House Alan Peter Cayetano, the honorable Majority Floor Leader Martin Romualdez, the honorable members of this committee, the honorable members of the House present at the plenary and on Zoom, good morning.
Sa agenda po ng kumite, apat na bagay po ang tatalakayin namin ngayong araw.
Unang-una, sinabi po noong isang linggo:
“DI NA PO DAPAT BUHAYING MULI NG KONGRESO ANG PRANGKISA NG ABS-CBN SAPAGKAT AYON PO SA ATING SALIGANG BATAS, ANG BUHAY NG PRANGKISA AY DI DAPAT LUMAGPAS NG 50 TAON.”
Ang nakasulat po sa Saligang Batas Article 12, Section 11 ay: “No franchise… shall be granted except to citizens of the Philippines…nor shall such franchise…be … for a longer period than fifty years.” Malinaw po ang kahulugan nito. Na bawat prangkisang ibinibigay ng Kongreso ay hindi pwedeng lumampas ng 50 years. Pero wala naman pong sinasabi na ang buhay ng isang kumpanya ay may limitasyon na 50 years. Pwede naman pong bigyan ng panibagong prangkisa.
Ang patunay po nito ay ang mga kumpanyang nabigyan ng prangkisa ng Kongreso. Makikita po ninyo sa listahang ito ang mga halimbawa ng mga kumpanyang nag-ooperate ng lampas fifty years pero nabigyan pa rin ng panibagong prangkisa.
Ang sinasabi sa Saligang Batas ay ang isang prangkisa ay hindi maaring tumagal ng lampas 50 years. Pero hindi po nito sinasabi na pag-abot mo ng fifty years ng serbisyo, hindi ka na pwedeng magpatuloy ng serbisyo. Ang sinasabi lang po ay kapag nag-expire ang iyong prangkisa, kailangan kumuha ulit ng panibagong prangkisa. At ang ibibigay na bagong prangkisa ay hindi pwedeng lumampas ng fifty years.
Pangalawa, sinabi din po noong isang Linggo na ang dati naming Chairman na si Eugenio Lopez III o si Gabby Lopez ay Amerikano at naging Pilipino lamang noong 2002.
Nasa 1935 Constitution po, na kapag ang iyong tatay o magulang ay Pilipino, ikaw ay isang Pilipino from birth. Si Mr. Lopez po ay ipinanganak noong 1952 kaya sakop po siya ng 1935 Constitution. Ang tatay at nanay niya ay parehong Pilipino. Kaya from birth, automatic na siya ay isang Pilipino din.
Ang sinabi po ng Department of Justice noong 2001, at babasahin ko nalang po ang mismong dokumento: “granting the request for recognition as a Filipino citizen of Eugenio Lopez III, it appearing from the within records and the additional document submitted that he was born in Boston, USA, the legitimate child of Conchita LaO and Eugenio Lopez Jr., both natural-born Filipino citizens, and may, therefore, be deemed a citizen of the Philippines pursuant to Section 1, Article 4 of the 1935 Constitution.”
Malinaw po na ang reference nito ay Section 1, Article 4 ng 1935 Constitution na nagsasabi na: the following are citizens of the Philippines—those whose fathers are citizens of the Philippines.
Totoo po na may US passport si Mr. Lopez. Ito ay dahil ipinanganak siya sa Amerika at sa batas ng Amerika, kahit hindi Amerikano ang magulang mo, kapag ipinanganak ka sa US, automatic po na may hawak ka rin na American citizenship. Pero ang pagiging American citizen niya, at ang paghawak niya ng US passport, ay hindi nangangahulugan na hindi rin siya isang Pilipino.
Pangatlo, sinabi po: ABS-CBN LETS NON-FILIPINOS OWN ITS COMMON SHARES THROUGH THE ISSUANCE OF PHILIPPINE DEPOSITARY RECEIPTS OR PDRs.
Unang una po, sa simpleng lenggwahe lang, ang PDR ay hindi isang share or pag mamay-ari sa ABS-CBN. Malinaw po ito kasi ang humahawak ng PDR ay hindi nakakaboto sa kahit anumang bagay sa pamamalakad ng ABS-CBN. Paano ka magiging isang may-ari kung hindi ka pwedeng bumoto sa anumang bagay na may kinalaman sa pagpapatakbo ng kumpanya?
Pangalawa, ang pagbenta po ng PDR sa publiko ay inaprubahan ng SEC noong October 4, 1999. Paano ito magiging labag sa batas kung ang ahensya mismo ng gobyerno ang nagbigay ng permit para ibenta ang mga PDR na ito?
At pangatlo po, idinidiin ang ABS-CBN dahil sa mga PDR na ito—pero ang katotohanan ay hindi lang kami ang nagbenta ng mga PDR. May ibang media company din na nagbenta ng PDR—tulad ng GMA—at hindi naman ito naging isyu sa pagbigay ng prangkisa nila.
Ang pang-apat na isyu. Sinabi po:
BAKIT TILA URA-URADA AT HABANG MAGULO PA ANG LAHAT DAHIL KATATAPOS LANG NG EDSA REVOLUTION AY BIGLANG NAPASAKAMAY NANG MULI SA MGA LOPEZ ANG ABS-CBN. NAKABATAY PO BA ITO SA BATAS?
Ito siguro ang pinakamasakit na paratang dahil nga ang ABS-CBN ay sinara ng gobyerno noong 1972 pagkatapos madeklara ang Martial Law. Hindi po binenta ng Lopez family ang ABS-CBN. Basta ginamit nalang ng iba ang mga facilities ng ABS-CBN na walang binayaran. Kaya hindi po totoo ang paratang na bigla nalang napasakamay muli sa mga Lopez ang ABS-CBN dahil sila naman ang tunay na may-ari nito.
Sinabi po na ang pagbalik ng ABS-CBN ay hindi ayon sa batas. Pero unang-una, ang PCGG mismo ang umaksyon na ibalik sa mga may-ari ang Channel 2 noong June 1986. Sa January 1987, nagkaroon ng agreement ang gobyerno at ABS-CBN na isaayos ang pagbalik ng iba pang facilities ng ABS-CBN na patuloy pang ginagamit ng gobyerno. Itong agreement ay may basbas ng Korte Suprema noong 1989. Base sa agreement na iyon, ibinalik ng PTV 4 ang iba pang facilities ng ABS-CBN sa 1992. Ito ay anim na taon pagkatapos nangyari ang EDSA revolution.
Ang mga ahensya ng goberyno na humawak sa kasong ito ay ang PCGG, ang Office of the President, at ang Korte Suprema. Kaya hindi po totoo na hindi nakabatay sa batas ang pagbalik ng ABS-CBN sa pamilyang Lopez.
Your honors, nakadetalye po sa mga dokumentong isinumite namin sa Committee ang lahat ng sinabi ko. Nandito po ang mga abogado namin para sumagot sa anumang katanungan ninyo.
Uulitin ko po:
1. Ang isang prangkisa ay hindi maaring lumampas ng 50 years, pero walang limitasyon ang pagbibigay serbisyo ng isang kumpanya, basta ma-renew ang prangkisa nito. Ito po ay nasa Saligang Batas, at pinatunayan ng mga aksyon ng Kongreso.
2. Si Gabby Lopez po ay isang Pilipino dahil ang ama niya ay Pilipino. Ito po ay nakasaad sa Saligang Batas ng 1935.
3. Ang PDR po ay hindi katumbas ng pag-aari sa ABS-CBN. Ito po ay aprubado ng SEC, at ito po ay ginagawa rin ng ibang media company na nabigyan ng prangkisa.
4. Ang pagbabalik ng ABS-CBN sa pamilyang Lopez ay ayon sa batas, at may basbas ng tatlong ahensya ng gobyerno: ang PCGG, ang Office of the President, at ang Korte Suprema.
Iyan po ang aming katotohanan.
May nagsabi po kanina that ABS-CBN deceived many when we said we are “in the service of the Filipino.” I believe there are many voices who will speak out and assert that our service to them has been genuine and real. Sana ang taong-bayan na lang po ang magsasabi kung ang serbisyo namin ay naging tunay at makahulugan sa kanila.
Maraming salamat po.