Bukod sa husay ng mga Pinoy sa 2019 South East Asian Games, pinagmamalaki rin ngayon ng buong bansa si Judy Ann Santos, matapos niyang manalo bilang Best Actress sa Cairo International sa 41st Film Festival sa Egypt.
Sa ulat ni Mario Dumaual, shocked ang Kapamilya actress nang malamang kinilala ng naturang film festival ang kanyang husay sa pag-arte. Lumutang ang husay ni Juday sa hanay ng mahigit sampung competing entries, at ito ay para sa pagganap niya sa pelikulang “Mindanao” ng premyadong direktor na si Brillante Mendoza. Ibinahagi pa ng Kapamilya star ang kanyang acceptance speech bago magbakasyon sa Japan. Ayon kay Juday, “of course I’m very, very happy. Walang paglugaran ‘yung feelings ko ngayon. Hind pa rin talaga ako makapaniwala. Finally, I was able to receive an award as an international actress.” Ginawad din sa “Minadanao” ang parangal na Most Artistic Contribution.
Si Juday ang ikalawang Pinay actress na kinilala ng pinakamalaking film fest sa Middle East, kasunod ng 1995 Best Actress Award para kay Nora Aunor sa “Flor Contemplacion Story.” Makabuluhan para sa Starla star ang kanyang role bilang isang ina ng anak na may cancer na nasa gitna ng gulo sa Mindanao. Pagbabahagi ni Juday, “Sine-share ko itong award na ito hindi lang sa mga anak ko, hindi lang kay Ryan, hindi lang sa mommy ko, pero sa buong Pilipinas.”
Samantala, bumuhos din ang parangal para sa sa Philippine cinema nitong weekend. Kinalala para sa Best Performance ang yumaong aktor na si Kristoffer King sa 30th Singapore International Film Fest. Ito ay para sa kanyang pagganap sa pelikulang “Verdict” ni Raymond Ribay Gutierrez na may kwentong tungkol sa domestic abuse. Nauna nang nagwagi ang “Verdict” co-star ni King na si Max Eigenmann bilang Best Actress sa Asia Pacific Screen Awards sa Australia.
Wagi naman si Jun Lana bilang Best Director sa 23rd Tallinn Black Nights Film Festival sa Estonia para sa pelikula niyang “Kalel 15” na tungkol sa epidemya ng HIV sa kabataan sa Pilipinas. Kinalala rin bilang Best Director si Roderick Cabrido sa 10th Mirabile Dictu International Catholic Film Fest sa Italy, para sa horror movie na “Clarita” na pinagbidahan ni Jodi Sta. Maria.