"Mga Kapamilya, sa oras ng pangamba, lagi po tayong nagkakaisa bilang isang pamilya. Habang tayo po ay pinakikiusapang manatili sa bahay, may mga Kapamilya po tayong nangangailangan ng ating tulong, ngayong hindi sila makalabas para makapaghanapbuhay. Kaya nais po naming manawagan.
Isa po itong panawagan sa ating mga kababayan na may pusong tumulong na mag-donate po ng cash na gagamiting pambili ng pagkain at iba pang pangagailangan sa araw-araw. Ang inyong pong cash donations ay maaring ipadala sa ABS-CBN Foundation.
Isa rin po itong panawagan sa mga kumpanya, na kung maaari ay maglaan ng supply ng kanilang paninda na maari nating ibahagi sa mga kababayan nating nangangailangan. Nagpapasalamat po kami doon sa mga kumpanyang nagpahiwatig na ng suporta.
Katuwang po natin dito ang inyong local government, ang mga mayor. Sila po ang magre-repack at magdi-distribute sa kani-kanilang mga barangay. Uumpisahan po namin ito sa Metro Manila at umaasa po kaming sa pamamagitan ng tulong ninyo, maabot din namin ang ibang nangangailangang barangay.
Para masimulan ang pagtutulungan nating ito, minarapat ng Lopez Group na magbigay ng donasyon na 100 million pesos.
Hangad po namin na walang magugutom sa panahong ito.Tulad sa lahat ng ating mga pinagdaanan, ang magliligtas sa atin ay ang pagmamahal sa isa’t isa.
Maraming salamat, Kapamilya."
- Carlo Katigbak, President and CEO of ABS-CBN Corporation