Patuloy na gumagawa ng marka ang ABS-CBN sa mundo sa pagtanggap nito ng Lifetime Achievement Award sa 2020 Asia Contents Awards (ACA) sa sa Busan, South Korea.
Binigyang parangal ang Kapamilya network para sa mga ambag nito sa Asya bilang isang broadcaster ng ACA, na kumikilala sa pinakamahuhusay na mga programa sa TV at OTT sa rehiyon.
Ayon kay ABS-CBN chief operating officer of broadcast Cory Vidanes, isang karangalan ang pagkilalang ito lalo na’t hindi natitinag ang ABS-CBN sa pagsulong ng galing ng Pilipino sa mundo sa kabila ng mga pagsubok na kinahaharap nito sa gitna ng pandemya.
Ibinahagi rin niya ang tagumpay na ito sa lahat ng mga nakasama ng ABS-CBN sa paghatid ng serbisyo sa mga Pilipino sa mahigit anim na dekada. Tinanggap ni Cory ang parangal noong Linggo (Oktubre 25) sa ginanap na ceremony na ipinalabas sa YouTube channel ng Busan International Film Festival.
Ngayong taon, 17 bansa ang lumahok sa ACA at umani ng aabot sa 75 na entries. Bukod sa ABS-CBN, tumanggap din ng Lifetime Achievement Award ang Amuse Inc. ng Japan.
Sa kabila ng kawalan ng prangkisa, hindi tumitigil ang ABS-CBN sa paglilingkod sa Pilipino sa pamamagitan ng mga entertainment at news program na ipinalalabas sa iba-ibang media platform tulad ng cable, satellite, at digital, at patuloy ding naghahatid ng Filipino content sa mga manonood sa buong mundo.