Patuloy na tumatanggap ng pagmamahal at pagkilala ang ABS-CBN at mga programa at artista nito matapos makuha ang Best TV Station at 24 pang ibang panalo sa ginanap na 34th Star Awards for Television ng Philippine Movie Press Club (PMPC) noong Linggo (Oktubre 17).
Nanguna sa mga nanalong Kapamilya ang teleseryeng “Pamilya Ko” na napiling Best Primetime TV Series habang Best Drama Actor si JM de Guzman at Best Drama Actress si Sylvia Sanchez, na kabilang sa naturang programa.
Tinanggap naman ng King of Talk Boy Abunda ang Ading Fernando Lifetime Achievement Award at mga parangal na Best Public Affairs Program Host at Best Celebrity Talk Show Host para sa mga programa niyang “The Bottomline” at “Tonight With Boy Abunda,” na mga nagsipagwagi rin bilang Best Public Affairs Program at Best Celebrity Talk Show.
Nanalo rin ang “Ipaglaban Mo” na Best Drama Anthology at nakuha naman ng “It’s Showtime” ang Best Variety Show. Kinilala rin ang “It’s Showtime” hosts na sina Vice Ganda at Amy Perez bilang Best Male and Female TV Hosts, habang ginawaran naman si Luis Manzano ng “I Can See Your Voice” ng Best Talent Search Program Host.
Nagwagi rin para sa ABS-CBN News ang “TV Patrol” (Best News Program), “Umagang Kay Ganda” (Best Morning Show), si Kim Atienza ng “Matanglawin” (Best Educational Program Host), at si Julius Babao ng “Bandila” (Best Male Newscaster).
Ang premyadong broadcast journalist na si Korina Sanchez-Roxas, na deka-dekadang nag-serbisyo sa Pilipino bilang anchor ng mga programa tulad ng "TV Patrol" at "Rated K" sa ABS-CBN ay ginawaran din ng Excellence in Broadcasting Lifetime Achievement Award.
Nagningning din ang young stars ng ABS-CBN na sina Seth Fedelin, na nanalo para sa “MMK” episode na “Ilog” ng Best Single Performance by an Actor, at Kaori Oinuma, na kinilala naman bilang Best New Female TV Personality sa pagganap niya sa “Mata” episode. Si Seth at Andrea Brillantes naman ang tumanggap ng German Moreno Power Tandem of the Year award habang si Enzo Pelojero ng “Starla” ang tinanghal na Best Child Performer.
Nagdagdag rin sa panalo ng mga Kapamilya ang “G Diaries” ng ABS-CBN Foundation na nanalong Best Travel Show at ang host nitong si Ernie Lopez na hinirang na Best Travel Show Host.
Mga programa at pagganap mula Setyembre 2019 hanggang Agosto 2020 ang sakop ng 34th Star Awards for TV na pinagbotohan ng mga miyembro ng PMPC.