Mananatiling “together as one” ang ABS-CBN sa 2021 sa paghahatid ng liwanag at ligaya sa mga Pilipino saan man sa mundo sa darating na taon.
Ipinakita ng Kapamilya network ang mga aabangang bagong palabas, pelikula, musika, at concerts na ilalabas sa iba-ibang media platform sa susunod na taon sa trending na “Ikaw Ang Liwanag at Ligaya: The ABS-CBN Christmas Special 2020” noong Linggo (Disyembre 20).
Kabilang dito ang “Mars Ravelo’s Darna: The TV Series” ni Jane De Leon, “Huwag Kang Mangamba” tampok ang The Gold Squad, “Init sa Magdamag” nina Gerald Anderson, Yam Concepcion, at JM De Guzman, at pagpapatuloy ng “La Vida Lena” nina Erich Gonzales, Carlo Aquino, Kit Thompson, at JC De Vera. Kaabang-abang din ang unang American TV series na dito mismo sa Pilipinas ginawa, ang “Almost Paradise” ng ABS-CBN at Electric Entertainment, ang bagong teleserye nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, at pagbabalik ng “Your Face Sounds Familiar” kasama sina Luis Manzano, Sharon Cuneta, Gary Valenciano, at Ogie Alcasid.
Handog naman ng iWantTFC ang “Count Your Lucky Stars” ng Asian superstars na sina Jerry Yan at Shen Yue, “Tenement 66” at “Horrorscope,” “Hoy…I Love You” nina Joross Gamboa at Roxanne Guinoo, Thai series na “A Tale of a Thousand Stars,” at “Unloving U” nina Loisa Andalio at Ronnie Alonte.
Patuloy ring maghahatid ng libangan ang ABS-CBN sa Kumu, habang parating naman ang FYE Channel sa TFC, the Filipino Channel. Sa cable naman, ilulunsad ng Metro Channel ang “Metro Model Search 2021,” habang tuloy ang “Good Vibes with Edu,” “EIC on the Move,” at “Casa Daza.” Paparating na rin sa JeepneyTV ang “Game KNB? Season 2” kasama si Robi Domingo at “POP-UP Comedy Bar” ni DJ Jhai Ho. Samantala, ipapalabas ng Cinema One ang mga pelikula mula sa C1 Originals sa KTX.ph.
Maraming bagong musika ang nakalinya rin para sa Star Music, na hatid rin ang the 11th edition ng Himig Handog songwriting competition at digital concerts nina Regine Velasquez-Alcasid, Piolo Pascual, at Moira Dela Torre. Magkakaroon din ng digital relaunch ang MYX at MOR Philippines, habang 200 na kanta ang ilalabas ng Star Music, DNA Records, Star Pop, at Tarsier Records.
Palalakasin din ang Philippine cinema sa mga bagong pelikula tulad ng “Princess Dayareese” ng MayWard, “Hello Stranger The Movie” nina JC Alcantara at Tony Labrusca, “Love or Money” nina Coco Martin at Angelica Panganiban, “Soul Sistahs” tampok sina Karla Estrada, Jolina Magdangal, at Melai Cantiveros, “All-Nighter,” “Keys to the Heart,” “Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan” ni Joshua Garcia, at mga pelikula na pagbibidahan ng KathNiel, LizQuen, DonBelle, Kim Chiu, Vice Ganda, at pagbabalik-pelikula ni John Lloyd Cruz kasama si Alonzo. Mapapanood ang mga ito sa iWantTFC, KTX.ph, SKY PPV, TFC IPTV, Cignal PPV, at piling cinemas. Gagawa rin ang Star Cinema ng mga programa tulad ng “Like A Boss” ni Raymond Gutierrez at “He’s Into Her” nina Donny Pangilinan at Belle Mariano.
Makasaysayan ang Christmas Special ngayong taon dahil sa unang pagkakataon ay napanood ito ng sabay-sabay sa buong mundo sa iba-ibang media platforms tulad ng Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, KTX.ph, A2Z, at TFC.
Ito rin ang unang beses na nagkaroon ng pre-shows sa Kumu, iWantTFC, at KTX.ph mula 12 nn hanggan 7 pm, bago ang main show ng 7:30 pm, na tumagal ng mahigit apat na oras. Nagkaroon din ng backstage access ang fans sa special sa pamamagitan ng Kumu, kung saan nakapanayam ang kanilang mga paboritong artista. Isinagawa rin ”Ikaw Ang Liwanag at Ligaya: The ABS-CBN Christmas Special 2020” para maglikom ng donasyon para sa mga biktima ng bagyo sa pamamagitan ng public service campaign na “Tulong-Tulong sa Pag-Ahon” ng Sagip Kapamilya.
Panoorin ang highlights ng ABS-CBN Christmas Special pre-shows at main show sa ABS-CBN Entertainment website at mga Facebook at YouTube account nito, at sa iWantTFC.com.