Maraming Pilipino ang mas piniling salubungin ang bagong taon sa pagpunta sa mga bigating New Year’s Eve party.
Sa Eastwood City sa Libis, Quezon City, hindi mahulugang karayom ang venue. Patok din ang mga star-studded performance at engradeng fireworks display. Highlight ng gabi ang star drop na sinabayan ng grand fireworks display. Libreng concert ang hatid ng ilang banda at singers, gaya nina Ebe Dancel, Ben & Ben, at Careless Music Manila kasama si James Reid. Kwento ng Ben & Ben, “Walang naiingayan kasi sabay-sabay naman kumakanta. Masaya masaya.” Goals naman para kay Ebe ang isang New Year performance. Pagkatapos ng countdown, pinagpatuloy pa ni Rico Blanco ang party.
Patok din ang naging celebration sa Resorts World Manila, kung saan namigay ng malalaking papremyo. World-class ang naging performances mula sa grupong The Draybers hanggang sa electrifying performance ni Mr. Pure Energy Gary Valenciano at kanyang mga anak na sina Gab at Keana. Bigay-todo rin ang TNT Boys sa kanilang performance. Ayon kay Gary, “It’s a privilege for me. It’s actually quite an honor because they consider me as part of that level of being an entertainer.”
Katuwang naman ang city government ng Taguig, pinasaya ng Kapamilya performers ang lahat ng dumalo sa “2020 Rising” na New Year countdown ng ABS-CBN. Pinangunahan ito ng TV host na si Robbie Domingo at beauty queen na si Nicole Cordoves. Humataw ang lahat sa performances nina Billy Crawford, Jonah, ABS-CBN Philharmonic Orchestra, Yeng Constantino, Itchyworms, at ng komedyanteng si Alex Calleja. Ilang minuto bago mag-alas dose, nagpasiklab sa stage ang OPM rock icon na si Bamboo. Inawit niya ang ilang iconic songs gaya ng “Hinahanap-hanap Kita.” Pagsapit ng bagong taon, nagliwanag ang kalangitan sa bonggang fireworks display.