Ilang araw bago ang ABS-CBN Ball 2019, todo na ang paghahanda ng ilang Kapamilya stars at kani-kanilang mga designers para sa temang modern filipiniana. Inaabanangan naman ng fans ang mga magiging trending at standard red-carpet look ngayong taon.
Sa ulat ni Gretchen Fulido, kabilang sa mga naghahanda ay ang mga young artists na sina Leila Alcasid, Kira Balinger, Charlie Dizon at Michelle Vito na mala-prinsesa na ang dating sa fitting pa lang ng kanilang mga gowns. Binubusisi ang bawat detalye ng kanilang kasuotan para makuha ang modern Filipinana look na tema ngayong taon. Ikinuwento ni Michelle na nag-research siya ng ilang posibleng peg para may modern touch ang magiging kasuotan niya. Para naman sa designer na si Jot Losa, bagay sa tema ang magaan at simpleng disenyo. Kinuwento naman ni Leila Alcasid na hindi niya muna magiging ka-date ang amang si Ogie Alcasid ngayong taon. Pero tulad last year, si Vania Romoff pa rin ang napili niyang designer, na siyang gumawa ng damit nina Bea Alonzo at Erich Gonzales. Sinabi ni Leila na pinili niya si Vania dahil gusto niya ang istilo ng designer.
Ayon sa make-up artist na si RB Changco, babagay sa modern Filipiniana theme ang “regal” look kung saan hindi masyadong lutang ang kulay ng makeup. Dagdag pa niya, “lesser [yung] foundation, kita ‘yung balat. Lesser eye shadow, kita ‘yung mata. Lesser contour, mas pinapalabas ‘yung totoo mong natural cheek bones.” Option din naman daw ang bold eyes at bold lips para sa mas drastic look.
Ang ABS-CBN Ball 2019 ay may layuning makatulong sa Bantay Edukasyon program ng Bantay Bata 163, na magbibigay ng scholarship sa mga batang nangangailangan. Noong isang taon, natulungan rin ng ABS-CBN Ball mabuksang muli ang Bantay Bata 163 Children’s Village.