Nakikita siya sa bente pesos at pinangalan ang isang lungsod, isang probinsya, at ilang paaralan sa kanya. Pero gaano ba kakilala ng mga Pinoy si dating Pangulong Manuel L. Quezon?
“Naalala ko kaya lang nakalimutan ko na siya, siyempre matanda na tayo eh,” sagot ng isang nanay.
“Siya ang Presidente ng Pilipinas pero hindi ko alam kung ano’ng year na,” pag-amin ng isa pang nanay.
Alam naman ng isang kuya na Presidente ng Pilipinas si Manuel L. Quezon ngunit hindi matandaan ang mga nagawa nito sa bansa.
Sa pelikulang “Quezon’s Game”, pagkakataon ng bagong henerasyon na makilala kung sino si Manuel L. Quezon at ang tagong yugto ng kasaysayan ng Pilipinas sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Ipapakita kung paano tinulungan ni Quezon ang ilang Hudyo na makatakas sa malupit na kamay ni Hitler. At binuksan ang pinto ng Pilipinas para maging pansamantala nilang tirahan.
Kwento ni Raymond Bagatsing, butas ng karayom ang dinaanan niya sa auditions para makuha ang role ni former President Quezon. Masusi niyang pinag-aralan kung paano magsalita ang dating Pangulo.
“I’m very proud to be a part of this great film. Very timely film to remind our people how grand and how great that Filipino heart is,” ani Raymond.
Sa special screening ng pelikula, dumalo ang producers sa pangunguna ng ABS-CBN executives na sina Chairman Emeritus Gabby Lopez, Chairman Mark Lopez, President Carlo Katigbak, Star Cinema Managing Director Olivia Lamasan, Kinetech Productions, ilang miyembro ng diplomatic community pati ang mga kamag-anak ng dating Pangulong Quezon.
“President Quezon’s shining legacy is not just to the Philippines, but to humanity. To the family of President Quezon, isang malaking utang na loob po ito ng mga Pilipino kay President Quezon. Kahit kailan, hindi po namin mababayaran,” mensahe ni Carlo Katigbak.
“Natuwa kami at talagang mukhang pinaghirapan at ni-research nang husto ang pelikula na ito. Doon mapag-usapan natin at kilalanin natin ang isang importanteng bahagi ng ating kasaysayan,” pahayag ni Manolo Quezon III, apo ng dating pangulo.
Mapapanood ang “Quezon’s Game” sa mga sinehan simula May 29.
If you are in the Philippines, watch the FULL episode on www.iwant.ph
If you are outside the Philippines, watch the FULL episode on www.tfc.tv