Kapag malapit na ang Pasko, naglalaan din ng oras ang mga celebrities para itayo at ayusin ang kanilang Christmas tree.
Ang pamilya Belo ay nag-hire pa ng sikat na Christmas Tree designer mula Amerika na si Stephen Brown. Noong 2017, ‘under the sea’ ang tema ng kanilang Christmas tree na pinalamutian ng mga mermaid, sea shells, pearls at iba pa. Taong 2018 ay ‘pastel unicorn’ naman ang kanilang piniling disenyo. Ngayong 2019, tinayo ni Stephen ang isang 10ft tall Mexican style Christmas tree nina Vicky, Hayden at Scarlet Snow. Pinalibutan ito ng mga prutas, animals, at isang tropical princess. Siyempre, tumulong din si Scarlet hanggang sa paglalagay ng skirt para matakpan ang base ng Christmas tree.
Ang Kapamilya actress na si Kim Chiu ay nahihirapan namang mamili ng magandang color theme. Ang tip niya, mag-window shopping nang maaga. Napili niyang color scheme ngayong taon ay pink and silver. Taun-taon na niyang tradisyon ang magtayo ng 12ft na Christmas tree sa kanilang tahanan. Bago man ang dekorasyon, ang ilaw na ginamit niya iyong ding noong nakaraang taon. Kwento ng Chinita Princess, “Wala kasi kaming [sariling] bahay dati noong bata pa ako. So ngayon na nagkaroon na kami ng house, own house, gusto ko na magkaroon ng Christmas tree.” Ayon kay Kim, tatlong taon din siyang hindi nagtayo ng Christmas tree noong sumakabilang-buhay ang kanyang ina.
Ginagamit naman ng celebrity entrepreneur na si Joel Cruz bilang inspirasyon ang bakasyon ng kanilang pamilya. Ngayon taon, napili niyang tema ang “Winter Christmas, floral blooms.” Enjoy na enjoy naman si Joel kasama ang walong anak. Kwento ng negosyante, “Recently we went to Holy Land sa Israel. Meron doon na blue and white colors. Kasi meron silang festival dun na Hanukkah Festival.” Mayroon din siyang winter village, na galing pang Europa ang mga piyesa, at ang kanyang mga anak, terno ang damit na ala-Santa’s elves.
Katulad ng ibang maybahay, simple joy ng Rated K host na si Korina Sanchez ang paghahanda ng Christmas tree sa kanilang tahanan. Kwento ng beteranang broadcaster, “the worst is bibili ka ng ready-made Christmas tree. Walang dating. Kailangan kayo ang gagawa para customized, personalized, pwedeng kayo mismo ang gumagawa sa bahay.” Nilalagyan niya ng totoong dahon ng cypress ang kanilang Christmas tree para bumango. Hindi naman din daw kailangang bago ang kanyang mga dekorasyon, dahil ang mga ribbons na nakukuha ng kanilang pamilya mula sa pambalot ng regalo, nire-recycle niya para gawing dekorasyon.
At dahil certified dog lover si Korina, nilalagyan niya ng stuffed dogs ang Christmas tree kasama ang mga stuffed Santa. Centerpiece ng kanilang Christmas tree ang mga family pictures. Sa pagpili ng ilaw, tip ni Korina na dapat all-weather at LED para pangmatagalan at iwas sunog.
Pagkatapos itayo ang Christmas tree, walang ibang nasabi si Korina kundi “Parang gusto ko siyang yakapin. Parang ayoko nang tanggalin kasi ang hirap gawin.”