Halos dalawang dekada nang palaboy ang 61 year old na si Gil Labaguis o kilala bilang Mang Jun. Mula nang mahiwalay sa pamilya, nanirahan na siya sa kalsada. Taong 1980s nang makilala ng noo’y tricycle driver na si Mang Jun ang kanyang napangasawa na anak ng may-ari ng isang candy factory. Tutol sa kanya ang mga magulang ng nobya at pilit silang pinaghiwalay. Nang mabuntis ang babae, nagtanan sila sa takot na baka ipalaglag ng mga magulang nito ang kanilang anak. Naisilang ang kanilang anak, pero natunton sila ng mga magulang ng kanyang asawa at binawi ito. Naiwan naman kay Mang Jun ang kanilang anak. Kinailangang magpakatatag ni Jun para sa anak niyang si Gilmar, kaya pinasok niya ang pagmamaneho ng taxi. Pero nang mag-high school si Gilmar ay dumating ang asawa ni Jun at kinuha ang kanilang anak. Magmula noon, hindi na niya nakita ang mag-ina.
Mula nang mawala si Gilmar, nagpalaboy-laboy na si Mang Jun sa pag-asang muling makita ang anak. Natutulog siya sa center island sa NIA road sa Quezon City, at para malamnan ang tiyan, nangangalakal siya. Kung walang makuhang kalakal, “Ang kinakain ko, pinupulot ko ‘yung mga gulay gulay [na nahuhulog].” Sa kanyang pag-iikot sa lansangan, ang kinagisnang pamilya ni Mang Jun ay ang kanyang mga aso.
Pinag-usapan sa social media ang istorya ni Mang Jun. At nang makita siya ng aktres na si Heart Evangelista at ng Pawssion Project sa gilid ng isang gusali sa Gilmore kasama ang anim niyang aso, naantig ang mga netizens kung paano inaalagaan at minamahal ni Mang Jun ang kanyang mga alagang aso na parang tunay na pamilya. Kahit na kapos na kapos ay inuuna niyang pakainin ang mga alaga bago ang sarili. Sa tuwing may nagbibigay sa kanya ng pagkain, hinahati niya pa ito sa anim niyang alaga.
Kwento ni Mang Jun, “Binigay po sa akin ng [dating] pinatatrabahuhan ko ‘yung aso. Tapos dinala ko rito bulinggit lang, 2016 po iyon. Nakita ko naman si Bait, nasagasaan. Si Johnny nakuha ko [nung] bumabagyo, nasa ilalim ng tulay.” Simula nang makilala ni Mang Jun ang mga alaga, hindi na niya naramdaman na siya ay nag-iisa. Dahil sila na lang ang natitira niyang pamilya, sinisigurado ni Mang Jun na malusog ang mga ito.
Ngayong Pasko, hindi na sa lansangan magdidiwang si Mang Jun, dahil dito mismo sa Pawssion Shelter, pinatayuan ni Heart ng sariling bahay kubo si Mang Jun at ang kanyang mga aso. Mayroon nang bubong at kumportableng matutulugan ang pamilya ng matanda, kaya naman ligtas na rin sila rito.
Kwento ng founder ng Pawssion Project na si Malou Perez, “Hindi na siya mag-isa. Hindi na lang ‘yung mga dogs [ang kasama niya]. Kasi lahat kami sa Pawssion, we’re all his family now. Pero ‘yun nga, ang prayer namin, as much as possible, if we can unite him with his family.”
Sa ngayon, caretaker na si Mang Jun ng naturang non-government organization. Mensahe ni Mang Jun sa nawalay na anak, “Ako ito, ang tatay mo. Sana magkita pa tayo. ‘Yun na lang ang gusto ko.” Habang tinutulungan siya ng Rated K at Pawssion Project na hanapin ang kanyang pamilya, pinasuri muna ang kanyang kalusugan. Lumalabas na mayroong minimal tuberculosis ang matanda. Pero ang magandang balita ay hindi pa ito malala at maaari pang gamutin. At dahil mayroon nang katarata, pinagawan na rin siya ng salamin. Para maging mas merry ang mga ngiti ni Mang Jun ngayong Pasko, pinagawan na rin siya ng pustiso.
Pati ang mga alagang aso ni Mang June na sina NS, Sakang, Ringgo, Bait, Johnny at Bitsy, pinasuri na rin sa beterinaryo at lahat sila ay maganda ang kalusugan. Muli namang nakasama ni Mang Jun ang mga kaibigan sa Gilmore nang magkaroon sila ng isang mini-Christmas party.
Sa gitna ng kasiyahan, nakatanggap ang Rated K ng tawag mula sa isang Renato Labaguis, panganay na kapatid ni Mang Jun na labinlimang taon na niyang hindi nakikita. At ang magandang balita, alam ni Renato kung nasaan ang anak ni Mang Jun na si Gilmar, pero humiling ito na sa pribado na lang sila magkikita.
Para kay Mang Jun, “Masayang-masaya po ako, lalo na nabigyan kami ng pag-asa na muling magkita-kita. At ibinalita pa sa akin, hinahanap ako ng anak ko.”