Maagang bumisita ang ilang fans, kaibigan, at Kapamilya sa mga puntod ng mga napayapang artista.
October 26 (Sabado) nang bumisita ang komedyanteng si Atak sa puntod ng blockbuster director na si Wenn Deramas sa Himlayang Pilipino. Kwento ni Atak, noong nabubuhay pa ang direktor ay walang sawa itong tumulong sa kanya.
Sa puntod naman ng “Hari ng Pelikulang Pilipino” na si Fernando Poe, Jr., sa Manila North Cemetery, araw-araw ang ginagawang paglilinis ni Aling Gigi. Kwento niya, matagal na siyang caretaker ng museleo ng pamilya Poe.
Sa Manila Memorial Park naman sa Paranaque, todo-linis na rin ang mga caretakers sa puntod ng mga TV host na sina Inday Badiday at Ike Lozada. Dito rin nakahimlay ang aktor na si AJ Perez, ang founder ng ABS-CBN Foundation na si Gina Lopez, at matinee idol na si Rico Yan.
Malinis na at may ilang bulaklak nang nakalagay sa puntod ng Master Showman na si German Moreno sa Loyola Memorial Park sa Marikina.
Mayroon na ring bulaklak mula sa fans ang puntod ng hip-hop artist na si Francis Magalona.
Samantala, sa puntod ng aktor na si Johnny Delgado ay mismong ang caretaker ang nagtamin ng bulaklak.
Sa Loyola Memorial Park nakahimlay sina Julie Vega, Nida Blanca, Amalia Fuentes, at dating Senador Miriam Defensor Santiago.
Ang iconic horror actress na si Lilia Cuntapay ay nabigyan na rin nang maayos na lapida at napinturahan na ang puntod.
Ang Comedy King na si Dolphy Quizon ay nakahimlay sa isang moseleo sa Heritage Park sa Taguig.