Nag-trending ang isang video kung saan makikitang tinuturuan ng teen star na si AC Bonifacio si Idol Philippines winner Zephanie Dimaranan ng pagsayaw ng “Tala” na hit song ni Popstar Royalty Sarah Geronimo. Ipinost ni AC ang naturang video sa Facebook noong January 5 at umani na ito ng mahigit 71,000 views at 500 comments.
Hindi pa rin natatapos ang “Tala” fever. Ang gumaganap na magkapatid sa teleseryeng Pamilya Ko na sina JM de Guzman at Mutya Orquia ay game na sumabak sa nasabing viral challenge. Marami ang natuwa sa video na ipinost ni Mutya sa kanyang Instagram stories.
Kinilig naman ang fans sa pagkasa ng real-life sweethearts na sina Arjo Atayde at Maine Mendoza sa hamon na ito. Sa social media, ipinost ni Arjo ang video ng kanilang pagsayaw at may caption pa ito na “the things I do for you.” Kinagiliwan ng marami ang bigay-todong pag-indak ng dalawa at umani na ang post ng mahigit 60,000 views.
Hindi rin nagpahuli sa “Tala” dance craze ang TV host-comedienne na si KaladKaren. Kahit nasa London ay hindi pinalagpas ng Umagang Kay Ganda host ang pagkakataon na makisayaw at sumali sa Tala Nation.