Binigyan ng awards ang mga pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival 2019 sa Gabi ng Parangal nitong December 27.
Humakot ng labing-isang parangal ang ‘Mindanao’ nina Judy Ann Santos at Allen Dizon sa direkyon ni Brillante Mendoza. Nakuha nito ang Best Picture, Best Actress para kay Juday, Best Actor para kay Allen, Best Child Performer para kay Yuna Tangod, at Best Director para kay Brillante Mendoza. Nakuha rin ng pelikula ang Best Float, Best Sound, at Best Visual Effects. Bukod sa mga nabanggit, nakapag-uwi rin ng special awards ang pelikula kabilang ang Gender Sensitive Award, FPJ Memorial Award, at Gat Puno Antonio J. Villegas Cultural Award.
Hindi naman nagpahuli ang “Write About Love” nina Miles Ocampo, Joem Bascon, Yeng Constantino at Rocco Nacino na nakuha ang Second Best Picture. Nakamit din ni Joem ang Best Supporting Actor at Best Supporting Actress award naman para kay Yeng. Nakuha rin ng nasabing pelikula ang Best Original Song, Best Musical Score, Best Screenplay, at Best Editing. Ginawaran din ang kanilang writer na si Crisanto Aquino ng Special Jury Prize, kasama ang cast ng period film na “Culion.” Panalo naman bilang Third Best Film ang horror movie na “Sunod.” Nakuha rin ng “Sunod”
ang Best Cinematography at Best Production Design.
Bukod sa mga nabanggit na MMFF 2019 entries, kasama rin sa mga pelikulang mapapanood sa mga sinehan ang “The Mall, The Merrier” nina Vice Ganda at Anne Curtis, “Miracle in Cell No. 7” ni Aga Muhlach, “Tripol Trobol: Huli Ka Balbon” ni Coco Martin, “Mission Unstapabol: The Don Identity” nina Vic Sotto at Maine Mendoza, at “Sunod” ni Carmina Villarroel.