Nadagdagan na ang mga sinehang nagpapalabas ng entries ng 2019 Metro Manila Film Festival matapos ang balita ng pagpull-out sa ilang pelikula. Manipis ang pila sa mga sinehan kumpara noong nakaraang linggo pero kung babasehan ang dami ng sinehang nagpapalabas ng MMFF entries, malakas pa rin ang “The Mall, The Merrier” nina Vice Ganda at Anne Curtis, “Miracle in Cell No. 7” ni Aga Muhlach, at “Tripol Trobol: Huli Ka Balbon” ni Coco Martin.
Matapos ang awards night noong December 27 (Biyernes), nadagdagan ang mga sinehan na nagpapalabas ng Best Picture na “Mindanao.” Kasabay nito ang ilang kritisismo at batikos sa di umano’y pinanggalingan ng pondo ng pelikula sa social media. Ayon sa isang post, pinondahan umano ito ng Presidential Communication Operations Office o PCOO. Pinabulaanan din ng direktor ng “Mindanao” na si Direk Brillante Mendoza ang naturang balita.
Sa mensaheng pinadala ni PCOO Secretary Martin Andanar sa ABS-CBN News, sinabing niyang “PCOO supported the film production by way of assisting the crew with DND, AFP, DOH and House of Hope.”
Nakatulong din ang awards night sa Second Best Picture na “Write About Love.” Mula sa labing dalawa ay napapanood na ngayon sa dalawampu’t anim na sinehan ang nasabing pelikula. Nakatanggap sila ng walong parangal kabilang na ang Best Supporting Actor at Best Supporting Actress para kina Joem Bascon at Yeng Constantino.
Kahit patuloy ang paghataw sa box-office, hindi tumitigil si Vice Ganda sa pag-iikot sa mga sinehan. Matapos ang mainit na pagsalubong sa kanya sa Pampanga, pinuntahan naman ng Unkabogable Star ang Cavite. Hindi mahulugang-karayom ang venue sa Dasmarinas at Bacoor nang bumisita si Vice roon.