Parehas na makulay at maingay ang taong 2019 dahil sa mga kontrobersiyang bumalot sa showbiz industry. Marami ang nagulat sa hiwalayan nina Bea Alonzo at Gerald Anderson matapos lumamig umano ang kanilang relasyon. Ito ay sa gitna ng lumabas na issue na nag-uugnay kay Gerald kay Julia Barretto.
Isa rin sa pinaka-pinagpiyestahan ang hidwaan ng pamilya Barretto ngayong 2019. Bukod kina Gretchen, Marjorie, at Claudine, dawit din ang iba pang miyembro ng kanilang pamilya maging ang iba pang kilalang personalidad gaya ni Charlie “Atong” Ang. Sa ngayon, wala pang nakikitang rekonsilyasyon sa nasabing alitan
Gumawa ng bagong box-office record sina Kathryn Bernardo at Alden Richards sa pelikulang
“Hello, Love, Goodbye” na kumita ng mahigit Php800 million.
Marami ring wedding proposals na kinakiligan ngayon taon kabilang na rito ang engagement nina Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli, at Angel Locsin at Neil Arce.
Ngayong taon din ang announcement na si Jane de Leon ang bagong Darna
Marami naman ang nalungkot sa paglisan ng ilang showbiz icons tulad nina Eddie Garcia, Amalia Fuentes, Armida Siguion-Reyna, Tony Mabesa, Joey Pepe Smith, Tsokoleit, Gary Lising, Bentong, at iba pang bituin sa showbiz.
Taong 2019 din umusbong ang digital movies at teleserye. Gayunman, patuloy pa rin ang pagkislap ng mga mainstream na pelikula, kasabay ng pagbibida ng mga bagong box-office stars tulad ni Kim Molina na bumida sa iWant original movie na “MOMOL Nights.”
Ipinagdiwang din ng showbiz industry ang mga bagong international recognition sa mga independent movies, gaya ng pagkakahirang sa Teleserye Queen na si Judy Ann Santos-Agoncillo bilang Best Actress sa Cairo International Film Festival. Si Juday rin ang tinanghal na Best Actress sa 2019 Metro Manila Film Festival sa kanyang pagganap sa “Mindanao.”