Sa paggunita sa Todos los Santos, nananatiling buhay ang alaala ng mga bituing nag-iwan ng pambihirang tatak sa telebisyon at pelikula.
Sa ulat ni Mario Dumaual, bumaba ang telon sa maraming movie and television icons na minahal ng maraming fans mula sa iba’t ibang henerasyon. Kabilang sa mga inalala ay sina Joey “Pepe” Smith, Armida Siguion-Reyna, Tsokoleit, Eddie Garcia, Amalia Fuentes, Gary Lising, Bentong, Tony Mabesa, Mona Lisa, Sophie Corrulo, at iba pa.
Bukod sa pambihirang ganda, tumatak si Amalia sa kanyang tapang na kumawala sa studio system at naging isa sa mga independent producers noong 1960s. Hinangaan naman ang husay ni Pepe Smith sa original Pinoy Rock Music. Hindi rin naman malilimutan ang punchlines ni Gary Lising at ang pagpapatawa ni Bentong na kabatuhan ng linya ng maraming komedyante. Bumandera naman sina Mona Lisa at Tony Mabesa sa deka-dekada nilang trabaho sa pelikula at teatro. Dahil dito, marami ang nagsusulong na kilalanin si Tony bilang national artist. Nakapanlulumo naman ang maagang pamamaalam ng child star na si Sophie Corrulo dahi sa dengue. Hindi naman matatapatan ang kontribusyon ni Armida Siguion Reyna, dahil bukod sa laban niya kontra sensura, tumatak siya bilang producer ng mga pelikula at tagapagtaguyod ng Kundiman. Testamento naman sa dedikasyon sa propesyon nina Eddie Garcia at Chokoleit na trabaho pa rin ang kanilang inatupag hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay. Dahil sa trahedyang sinapit ng dalawang aktor, tumindi ang pagsulong ng mga batas para mapangalagaan ang mga nagtatrabaho sa telebisyon at pelikula.