Big opening day ngayong Pasko ng walong pelikulang kasali sa Metro Manila Film Festival 2019. Gaya ng inaasahan, buhos ang tao sa mga sinehan. Sa ulat ni MJ Felipe, humaba ang pila sa mga sinehan matapos ang pananghalian. Karamihan ng mga bata at teens, kasama ang kani-kanilang barkada at pamilya, at lahat ay excited manood ng MMFF entries ngayong taon.
Kasama sa walong finalists ngayong taon ang “The Mall, The Merrier” nina Vice Ganda at Anne Curtis. Nariyan din ang “Tripol Trobol: Huli Ka Balbon” nina Coco Martin, Ai-ai delas Alas, at Jennylyn Mercado. Hindi naman papahuli ang “Mission Unstapabol: The Don Identity” nina Vic Sotto, Pokwang, Maine Mendoza, at Jake Cuenca. Seryosong issue naman ang tinatalakay ng pelikulang “Mindanao,” kung saan bida si Judy Ann Santos sa direksyon ng premyadong direktor na si Brillante Mendoza. Isa rin sa mga pinag-uusapan ay ang “Culion” nina Iza Calzado, Jasmine Curtis-Smith, Meryl Soriano, at Joem Bascon. Nag-iisang horror entry naman ang pelikulang “Sunod,” kung saan mapapanood sina Carmina Villarroel, Rhed Bustamante, Crystal Brimmner, at JC Santos. Kilig movie ang “Write About Love” nina Miles Ocampo at Rocco Nacino. At heart-warming naman ang “Miracle in Cell No. 7” nina Aga Muhlach, Bela Padilla at Xia Vigor.
Sinorpresa ng mga bida ng “The Mall, The Merrier” ang mga manonood sa mga sinehan. Kwento ni Vice Ganda, “Nakakatuwa kasi bawat eksena iba-iba ‘yung hagikhik. May mga eksenang maririnig mo puro bata ‘yung tumatawa. May mga eksena tumatawa ‘yung mga matatanda. Iba-ibang market talaga ‘yung mga jokes.”
Naki-enjoy din sa panonood ang team ng “Tripol Trobol: Huli Ka Baldon.” Para kay Coco Martin, “May pressure, nakakakaba, pero deep inside nakakatuwa kasi alam mo na excited kang mapanood ng mga tao.”
Nag-ikot din para manghikayat ng mga manonood ang ilang cast ng “Culion.”
Naglabas naman ng advisory ang team ng “Mindanao” tungkol sa aberya ng kanilang showing.
Si Bela Padilla ay sa social media nag-promote ng “Miracle in Cell No. 7.”
Spotted naman sa ilang sinehan si Miles Ocampo na nag-promote ng “Write About Love.”