Sa wakas, ipinakita na kung paano pinaghandaan nina Liza Soberano at Enrique Gil ang trending nilang costume para sa 2019 Black Magic Halloween party ng Star Magic.
Sa kwento ni Marc Logan, bagama’t inuwi nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla ang award for “Best Costume”, pasok pa rin sa top 10 ang LizQuen. Ginaya ng LizQuen ang mga karakter na sina Tiffany at Brittany Wilson mula sa 2004 comedy na “The White Chicks.”
WATCH: Black Magic Transformation: Liza and Enrique as White Chicks
Kinareer at talaga namang binigyan ng mahabang oras ang transformation ng dalawa, na pinangunahan ng make-up artist na si Carry Dawn Conejero. Ang team din ni Carry ang responsable para sa Joker look ni Enrique noong nakaraang Halloween party. Inabot ng dalawang araw ang sculpting, paggawa ng molde, at pagsasaayos ng mga silicon na ginamit para sa naturang make-up. Nang matapos na ang mga silicon masks, inabot ng halos tatlong oras ang pagkabit nito sa mga mukha nina Enrique at Liza. Ang costumes ay mula kay Darryl Maat, na nakipagtulungan sa stylist na si Perry Tabora.
Samantalang ang mga wig, eyebrows, at overline lips ay likha ng isa sa make-up artists ng Your Face Sounds Familiar na si Poison. Katulad ng kanilang mga litrato na nag-trending, tuwang-tuwa rin ang mga netizens sa behind-the-scenes ng “White Chicks” costume ng tambalang LizQuen. Katunayan, wala pang isang araw ay pumalo na sa mahigit 500,000 ang views nito.