Inuulan ngayon ng swerte ang ‘Twitter Goddess’ ng General Santos na si Ethel Booba. Buwenas na sa career, punung-puno pa siya ng pagmamahal mula sa kanyang pamilya.
Nakalaban ni Ethel sa Tawag Ng Tanghalan Celebrity Champions Ang Huling Tapatan ang dating vocalist ng Rivermaya na si Jason Fernandez, at ang aktres na si Roxanne Barcelo. Sa huli, pinili ng madlang people at mga hurado ang performance ni Ethel na nagbigay-daan para kilalanin siyang grand champion.
WINNING MOMENTS: Ethel Booba hailed as TNT Celebrity Edition Grand Champion
Ethyl Gabison ang pangalan ni Ethel Booba sa totoong buhay. Hango raw ang kanyang pangalan sa ‘Ethyl Alchohol.’ Panganay siya sa walong magkakapatid, at tubong General Santos City ang kanilang pamilya. Unang nakilala si Ethyl bilang stand-up comedienne sa mga comedy bars, pero una siyang sumalang sa entablado bilang singer sa edad na 24 years old. Hanggang tinuruan siya ng mga kasama na mag-stand-up comedy. Kasabay nito ang kanyang character na “booba boobahan” kaya nabuhay ang taguring Ethel Booba.
Hindi nagtagal ay nagkaroon na rin siya ng mga projects sa telebisyon at pelikula, pero mas umingay ang kanyang pangalan sa social media dahil sa mga nakakatawa niyang tweets, at sa ngayon ay mayroon na siyang 1.5 million followers. Para kay Ethel, jokes lang naman daw ang kanyang mga nakakaaliw na tweets, pero ayon sa kanya “nasa [kanila] kung seseryosohin [nila]. ‘Pag tinamaan talaga... eh ‘di sapul!”
Noong 2016, naging ganap na author na rin ang komedyante, nang ilabas ang kanyang libro na #Charotism: The Wit and Wisdom of Ethel Booba.