Mapapanood na ang finale episode ng Kadenang Ginto ngayong Biyernes, February 7. Sa kanilang pagtatapos, inaasahang tututukan ito ng mga manonood.
October 2018 nang unang mapanood ang top-rating teleserye sa telebisyon. Araw-araw kinapitan ang kwento nina Romina Andrada-Mondragon, Daniela Mondragon-Bartolome, Marga Bartolome, at Cassie Mondragon. Dahil markado ang kanilang mga papel sa serye, ito rin ang nagbukas ng maraming blessings sa mga career nina Beauty Gonzalez, Dimples Romana, Andrea Brillantes, Francine Diaz at maging kina Seth Fedelin at Kyle Echarri.
Humakot din ng awards ang Kadenang Ginto sa 2019 PMPC Star Awards for TV, Alta Media Icon Awards, at Golden Laurel Media Awards bilang Best Daytime Drama Series.
At ngayong magtatapos na ang serye, iba’t ibang reaksyon mula sa netizens ang naka-post sa social media. Inaasahan ang mga pasabog na eksena na trademark na ng Kadenang Ginto, mula pa noong magsimula ang kanilang palabas.