Sorpresang ibinunyag ni Manila Mayor Isko Moreno na tampok siya sa 2019 Metro Manila Film Festival entry ni Coco Martin na ‘“3pol Trobol: Huli Ka Balbon.’
Sa panayam ni Mayor Isko kay Mario Dumaual sa Christmas tree lighting sa Lungsod ng Maynila, inanunsyo nito ang kanyang pagbabalik showbiz. Kwento ng punongbayan, malaki ang pasasalamat niya kay Coco sa pagsama sa kanya sa naturang pelikula. Nagpahapyaw pa si Yorme na isa ring Mayor ang kanyang role at may eksena siya sa tanyag na Jones Bridge ng Lungsod ng Maynila.
Bukod sa MMFF entry ni Coco Martin, magkakaroon din ng guesting si Mayor Isko sa top-rated teleserye na FPJ’s Ang Probinsyano. Para kay Isko, utang niya ang kanyang tagumpay sa showbiz industry na nagbukas ng maraming oportunidad para sa kanya.