Mapapanood na ang mga teleserye, pelikula, at live entertainment shows ng ABS-CBN sa bagong A2Z channel 11 analog TV simula ngayong linggo.
Live na magsisimula ang It’s Showtime ngayong Oktubre 10 at ang ASAP Natin ‘To sa Linggo (Oktubre 11) para maghatid ng masasayang kulitan at musical performances.
Magkakaroon naman ng teleserye marathon ng FPJ’s Ang Probinsyano, Ang Sa Iyo ay Akin, at Walang Hanggang Paalam ngayong weekend (Oktubre 10 at 11) bago ang pagpapalabas ng bagong episodes gabi-gabi simula Lunes (Oktubre 12).
Sa mga susunod na linggo, masusubaybayan na rin sa A2Z channel 11 ang paghahatid ng serbisyo sa Paano Kita Mapapasalamatan at Iba ‘Yan.
Malapit na ring mapanood sa channel ang live na kwentuhan sa Magandang Buhay, ang hulaan at kantahan sa mystery game show na I Can See Your Voice, at ang longest-running drama anthology sa Asya na MMK.
Bukod sa entertainment shows, magsisimula na rin magpalabas ng mga pelikula at educational programs bukas (Oktubre 8).
Una nang ipinahayag ng ABS-CBN na ipapalabas na ang ilan sa mga programa nito sa bagong A2Z channel 11 bilang bahagi ng kasunduan nito sa Zoe Broadcasting Network Inc.
Mapapanood ang A2Z channel 11 analog TV sa Metro Manila at mga malalapit na probinsya. Available din ito sa iba’t ibang cable TV at satellite TV providers sa buong bansa.
Patuloy namang napapanood ang ABS-CBN shows sa cable at satellite TV sa Kapamilya Channel, sa online sa iWant TFC at Kapamilya Online Live sa YouTube at Facebook, at sa buong mundo sa pamamagitan ng aming cable TV and satellite partners.