Masaya ang direktor na si Crisanto Aquino sa tagumpay ng kaniyang pelikulang “Write About Love.” Aminado si Direk Crisanto na hindi siya makapaniwala na nakatanggap siya ng award sa Gabi ng Parangal ng 2019 Metro Manila Film Festival, lalo pa’t hindi siya nag-expect ng panalo.
Inamin din niya na nagulat siya sa pagkapanalo ni Yeng Constantino bilang Best Supporting Actress. Dagdag pa ng direktor, hindi niya napanood ang ibang pelikula kaya wala siyang batayan kung may laban si Yeng. Gayunman, masaya siya sa pagkapanalo ng Kapamilya singer-actress.
Positibo rin ang direktor na dahil sa mga parangal na nakuha ay madadagdagan ang mga manonood ng “Write About Love.” Bida sa pelikulang ito sina Miles Ocampo at Rocco Nacino, kasama ang MMFF 2019 Best Supporting Actor at Best Supporting Actress na sina Joem Bascon at Yeng Constantino.
Wagi ngayong taong na ito bilang Best Actress ang bida ng Starla na si Judy Ann Santos-Agoncillo para sa kanyang pagganap sa papel ng isang inang may anak na may cancer sa pelikuang “Mindanao.” Inalay ni Juday ang kanyang award sa mga kababayang Muslim at mga batang may cancer. Para sa aktres, “napakaswerte ko na napunta sa akin itong pelikulang ito. Napasama ako sa isang pelikulang pwedeng magrepresenta sa buong Pilipinas sa iba’t ibang festivals abroad. Napakagandang panapos ng taon ito.”
Humakot ng labing isang parangal ang “Mindanao,” kabilang na ang Best Picture, Best Actor para kay Allen Dizon, Best Director para kay Brillante Mendoza, Best Child Performer para kay Yuna Tangod, at iba pang mga special awards.