Hiniling ng cast at crew ng pelikulang “Mindanao” sa film exhibitors na mas tangkilikin pa ang kanilang proyekto.
Humakot ng labing isang parangal ang “Mindanao,” kabilang na ang Best Picture, Best Actor para kay Allen Dizon, Best Director para kay Brillante Mendoza, Best Child Performer para kay Yuna Tangod, at mga special awards. Sa acceptance speech ni Direk Brillante, hiling niya na madagdagan pa ang sinehan na magpapalabas ng kanilang pelikula. Dagdag pa ng direktor, “Ito ay pelikula tungkol sa Pilipino, pamilyang Pilipino. Tungkol siya sa mga nanay na merong pinagdadaanan katulad ng pinagdadaanan ni Saima sa pelikula.” Paanyaya naman ng MMFF 2019 Best Actor na si Allen, “Sana po [lumakas], dumami po ‘yung mga nanonood. [‘Yung nagpapalabas] na sinehan, dumami pa para maantig sa Mindanao.”
Wagi bilang festival Best Actress ang batikang si Judy Ann Santos-Agoncillo para sa kanyang pagganap sa “Mindanao” sa papel ng isang inang may anak na may cancer. Inalay ng Starla star ang kanyang award sa mga kababayang Muslim at mga batang may cancer. Saad ng aktres, “Napakaswerte ko na napunta sa akin itong pelikulang ito. Napasama ako sa isang pelikulang pwedeng mag-representa sa buong Pilipinas sa iba’t ibang festivals abroad. Napakagandang panapos ng taon ito.”
Nag-uwi rin ng walong parangal ang light romance movie at Second Best Picture na “Write About Love.” Best Supporting Actor si Joem Bascon para sa “Culion” at Best Supporting Actress si Yeng Constantino ng “Write About Love.” Panalo naman bilang Third Best Picture ang horror movie na “Sunod.”
Nakatanggap din ng Special Jury Prize ang cast ng “Culion.” Ginawaran din ng Hall of Fame recognition ang ilang previous MMFF winners gaya nina Amy Austria, Nora Aunor, Vilma Santos, Maricel Soriano, Christopher de Leon, Anthony Alonzo, at Cesar Montano.