Nangunguna pa rin sa ratings tuwing hapon ang hit Kapamilya serye na Kadenang Ginto. Maging sa social media, sikat na sikat ang naturang serye kaya naman trending din ang mga videos at memes tungkol sa Kadenang Ginto at mga bida nito.
Nag-trend din ang cameo appearances ng mga Kapamilya superstars na sina Angel Locsin at Bea Alonzo. Matatandaang gumanap si Bea bilang isang random attendee ng isang expo na hinddi sadyang bumangga sa karakter ni Dimples Romana na si Daniela Mondragon. Si Angel Locsin naman ay biglang sumilip sa hospital room kung saan nagaganap ang pagtatalo nina Daniela at ang karakter ni Beauty Gonzales na si Romina Andrada-Mondragon. Kwento ni Dimples, gusto niyang makasama ang Kapamilya star na si Vice Ganda sa isang cameo role sa Kadenang Ginto, lalo pa’t ilang ulit na ding nagpahayag ng paghanga ang Unkabogable Star sa teleserye. Ayon kay Dimples, nang mabanggit niya kay Vice na gusto niya itong makasama sa Kadenang Ginto, sinabi umano nito na magpapasampal siya kay Daniela.
Malayo naman sa kanyang imahe bilang Romina Mondragon ang bagong role ni Beauty Gonzales sa iWant original film na “Abandoned.” Sa direksyon ni Kip Oebanda, kwento ito ng isang security guard na naatasang bantayan ang isang abandonadong gusali na tila may tinatagong kababalaghan. Excited naman si Beauty sa project lalo pa’t unang pelikula niya ito. Kasama ni Beauty sa pelikula ang former PBB Otso housemate na si Seth Fedelin, na co-star din niya sa Kadenang Ginto.