Movie with a cause ang pelikulang “Mindanao” na isa sa mga entries ng 2019 Metro Manila Film Festival. Ikinuwento ng bida nito na si Judy Ann Santos-Agoncillo na bahagi ng kita ng pelikula ay ibibigay sa isang charity at ito ay ang Kite Foundation - isang organisasyon na tumutulong sa mga batang may cancer at iba pang chronic illness.
Sa pelikulang ito, nagwagi bilang Festival Best Actress si Juday para sa kanyang pagganap sa papel ng isang inang may anak na may cancer. Inalay ni Juday ang kanyang award sa mga kababayang Muslim at mga batang may cancer. Para sa bida ng teleseryeng Starla, “Napakaswerte ko na napunta sa akin itong pelikulang ito. Napasama ako sa isang pelikulang pwedeng magrepresenta sa buong Pilipinas sa iba’t ibang festivals abroad. Napakagandang panapos ng taon ito.”
Bukod sa nakuhang award ni Juday, humakot din ng labing-isang parangal ang “Mindanao,” sa Gabi ng Parangal kabilang na ang Best Picture, Best Actor para kay Allen Dizon, Best Director para kay Brillante Mendoza, Best Child Performer para kay Yuna Tangod, at iba pang mga special awards.