Naging mailap sa Pilipinas ang mga korona sa ilang international pageants gaya ng Miss Universe. Maraming fans at enthusiasts ang umaasang makakabawi ang bansa sa susunod na taon. Patuloy naman ang paghahanda ng mga future beauty queens ng bansa, matapos ipasa ni Miss Universe 2018 Catriona Gray ang korona kay Miss South Africa Zozibini Tunzi.
Comment ng pageant expert at columnist na si Robert Requintina, hindi lang ganda ng mukha at katawan ang labanan ngayon sa international pageant scene. Para kay Robert, “Nag-eevolve na siya. Hindi lang siya puro ganda. Three things, na-chachallenge na ngayon ang contestant [sa awareness nila] sa mga issues na nangyayari sa paligid. Number 2, siguro kailangan ‘yung candidates may advocacy na, pagsasali ka sa beauty contest, ano?”
Sa pagkakahiwalay ng Miss Universe franchise sa Binibining Pilipinas, maraming pageant fans ang mag-aabang sa mga bagong pakulo ng beauty pageants sa bansa. Ayon sa pageant show director na si Bernard Maybituin, “I guess that will set the expectation from enthusiasts, na maiiba ang presentation, maiiba ang positioning ng mga taong involved.”
Kailangan na rin umanong mag-evolve ng staging at estilo ng presentation ang mga local beauty search, dahil mas madalas nang mapansin ang mga Pinay candidates.
Para naman kay Jojo Flores, “Ang hinahanap natin ngayon is ‘yung modelo na makakapag-represent ng kanilang tradition and culture ng kanilang lugar.”
Umaasa ang pageant fans na magbabalik ang mga international titles sa Pilipinas sa taong 2020.