Buena manong magpapakilig sa bagong taon ang mga teleserye ng mga paboritong Kapamilya love teams. Mapapanood din ang iba pang bagong shows at mga talent search sa ABS-CBN. Aarangkada na sa susunod na taon ang mga de-kalibreng shows ng Kapamilya network, kabilang na rito ang bagong serye ng King and Queen Of Hearts na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.
Excited naman sina Liza Soberano at Enrique Gil na ipakikita sa mga fans ang pinaghirapan nilang Make It with You na kinunan pa sa Croatia. Kwento ni Enrique, “You are the story, ‘di ba? So parang it’s also a challenge, [your] nervousness but you are also excited na rin.”
Buhay sundalo, pamilya, at pagmamahal naman ang ipaglalaban nina Gerald Anderson, Jerome Ponce, Elmo Magalona, at Carlo Aquino sa A Soldier’s Heart.
Bukod sa mga teleserye, magbabalik din ang ilang singing competition sa taong 2020. Mapapanood muli ang The Voice Teens, kung saan returning coach ang international singer na si Apl de Ap. Mapapanood na rin ang 4th regular season ng Tawag ng Tanghalan sa It’s Showtime. Mas marami ding Korean shows ang ipalalabas ng Kapamilya network sa 2020, tulad ng Flower Crew Dating Agency na pagbibidahan ng Korean heartthrob na si Kim Min-Jae.