Taon ng family feud at iba pang eskandalo sa showbiz ang 2019. May mga haligi rin ng industriya na namaalam. Walang dudang ang hidwaan ng Barretto sisters ang biggest showbiz headliner ng 2019. Bukod kina Gretchen, Marjorie, Claudine at iba pang miyembro ng pamilya, nasabit din ang pangalan ng negosyanteng si Atong Ang. Lumaki pa ang eskandalo nang masangkot din si Pangulong Rodrigo Duterte na nabigong ayusin ang gusot sa pamilya. Sa ngayon, wala pang nakikitang rekonsilyasyon sa naturang alitan.
‘Ghosting’ naman ang top-trending showbiz term, dahil sa rebelasyon ng aktres na si Bea Alonzo na hindi na siya kinausap ng nobyong si Gerald Anderson matapos lumamig umano ang kanilang relasyon. Ito ay sa gitna ng lumabas na issue na nag-uugnay kay Gerald kay Julia Barretto. Ngayon ay may kanya-kanya nang proyekto ang tatlo.
Enggrande ang naging pagdiriwang ng Sentenaryo ng Cine Filipino, pero kasabay nito ang paglisan ng ilang showbiz icons tulad nina Eddie Garcia, Amalia Fuentes, Armida Siguion-Reyna, Tony Mabesa, Joey Pepe Smith, Tsokoleit, Gary Lising, Bentong, at iba pang bituin sa showbiz.
Ngayong 2019 din umusbong ang digital movies at teleserye. Gayunman, patuloy pa rin ang pagkislap ng mga mainstream na pelikula, kasabay ng pag-usbong ng mga bagong box-office stars tulad ni Kim Molina na bumida sa iWant original movie na “MOMOL Nights.”
Gumawa ng bagong box-office record sina Kathryn Bernardo at Alden Richards sa “Hello, Love, Goodbye.”
Ngayong taon din pinasa ni Liza Soberano ang bato ni Darna kay Jane de Leon
Pinagdiriwang din ng showbiz industry ang mga bagong international recognition ng mga independent movies. Kabilang na rito ang double victory ni Judy Ann Santos-Agoncillo bilang Best Actress sa Cairo International Film Festival at sa 45th Metro Manila Film Festival para sa MMFF 2019 entry na “Mindanao.”
Na-engage ngayong taon sina Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli, gayundin sina Angel Locsin at film producer na si Neil Arce. Bukod-tangi rin ang pagpili kay Angel ng Forbes Asia bilang isa sa philanthropist ng taon.
Good vibes naman ang dala ng It’s Showtime host na si Anne Curtis-Heussaff sa kanyang transpormasyon bilang isang ina. Looking forward ang lahat sa pagsilang ng kanyang baby girl sa 2020.