Sinimulan na ng Kapamilya actress na si Angel Locsin ang pagiging anti-piracy ambassador ng Optical Media Board.
Nakapag-shoot na ang aktres ng kaniyang kauna-unahang anti-piracy campaign video. Kasama ni Angel sa video ang aktor na si Cholo Barretto. Vintage ang look nito na tila nasa panahon ng 1950s. Napapanood na ang video sa buong bansa bago pa man mapanood ang mga pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival 2019.
Sa kanyang pagkakatalaga bilang ambassador, naikwento ng aktres na “Hindi ko iniisip na parang ako lang. Para sa akin kasi tayong lahat ambassador nito, kasi ito ‘yung industriyang bumubuhay sa mga pamilya natin.”
Kwento pa niya, siya mismo ay naging biktima ng pamimirata ng kanyang pelikula kaya matindi ang suporta niya sa bagong tungkulin at sinabing “simula noong pumasok ako sa industriya, talagang talamak na ‘yung pamimirata talaga. Maraming nakikiusap na tigilan na, marami akong nakikitang mga producers na umiiyak at nararamdaman ko na paliit nang paliit talaga ‘yung movie industry.”
Bukod naman sa mga charity works at projects, focused na rin si Angel sa paghahanda para sa nalalapit nilang kasal ni Neil Arce sa 2020.