Iba’t ibang pakulo at trip ang kinatuwaan ng netizens nitong 2019, particular na ang mga agaw-eksenang videos mula sa social media.
Marami ang naantig sa kwento ng aspin na si Buboy, nang mag-viral ang video na nasa lamay ng kanyang among namatay. Nakadudurog ng puso ang mga eksena, kung saan tila alam ni Buboy na hindi na ulit sila magkikita ng kanyang amo na si Professor Marcelo. Pero wala pang isang buwan, pumanaw din si Buboy matapos maaksidente sa kalsada. Binigyan ng maayos ng libing ng Animal Kingdom Foundation ang loyal dog at ginawan pa ng mallit na monumento, at tinaguriang Pinoy Hachiko.
Kung sina Professor Marcelo at Buboy ay masaya nang magkasama sa kabilang buhay, mayroon namang mga kwento ng mga kaluluwang hindi matahimik na caught on camera. February 10 nang maaksidente sa Kaingin, San Rafael, Bulacan ang magkaibigang RJ at Arby habang nakasakay sa motor. Sa kuha sa CCTV, parang may ikatlong nakasakay sa kanilang motor na isang babaeng nakaputi. Pero palagay ng video expert, epekto lang ng night vision feature ng camera at slow motion ang naturang imahe.
Sa Mandurian, Iloilo naman, kinilabutan ang mga netizens nang makita sa isang larawan ang umano’y kaluluwa na binisita ang sarili niyang lamay. Ayon sa isang professional photographer, hindi edited ang naturang larawan, pero maaaring nalito lang ang netizens dahil blurred ang imahe ng sinasabing kaluluwang nahuli sa lente.
Nakilala naman ang tinaguriang Balbacua Queen ng Naga na si Julie Juarez. Maraming netizens ang natakam nang mapanood ang kanyang mga videos na kumakain. Kwento ni Julie, kaya niyang umubos ng dalawang order ng putahe sa isang upuan.
Naging hit din ang Bottle Cap Challenge sa Hollywood. Maraming Hollywood stars ang tumanggap ng hamon at nakisipa. Siyempre, hindi nagpahuli ang mga Pinoy celebrities na gumawa ng kanya-kanyang gimik.
Kakaiba naman ang trip ng isang lalake na nakuhanang umaakyat nang walang harness sa isang skyscraper sa Makati. Nakilala siya bilang ang French daredevil at activist na si Alaine Roberts.
Kaliwa’t kanan din ang mga viral na dance challenge, tulad ng “Mathematics Dance” na pinasikat ng isang engineer at part-time dancer.
Mula sa sayawan, marami naman ang naantig sa kantang “Binalewala.” Sumikat din ang SB19, na K-pop inspired Pinoy song and dance group. Pumalo na sa 4 million views sa YouTube ang kanilang single na “Go Up.”