Marami ang naniwala sa forever, matapos mapanood ang love story at happy ever after episode na Rated K-lig ng Rated K.
Marami ang napa-“sana all” sa kwento ng Pinoy na si Eugene at Lithuanian na si Vicka. Nagsimula sa “Hi” at “Hello” sa social media hanggang sa nagkapalagayan ng loob at naging magkasintahan. Matapos ang isang taong long distance relationship, bumista si Vicka sa Pilipinas at sa wakas ay nagkita na ang dalawa.
Marami rin ang kinilig sa surprise wedding ng sundalong si Major Red sa girlfriend na si Cha. Akala ng girlfriend ay aattend lang siya ng isang kasalan bilang maid of honor. Pero ang hindi niya alam, siya na pala ang mismong bride. Tagumpay ang sorpresa, dahil kasabwat ni Red ang pamilya ng kanyang kasintahan. Sa mismong araw ng kasal, naluha at nabigla si Cha, pero binigay niya ang matamis niyang “oo” kay Major Red.
Isa naman sa mga nagpaiyak sa mga Kapamilya ay ang love story nina Gab at Maxine. Grade 8 pa lang noon ang dalawa nang ma-love at first sight si Gab kay Maxine, pero dahil hindi pa ready ang dalaga ay naging mag-best friend muna ang dalawa. After two years, sumugal sila at naging in a relationship ang kanilang status. Pero sinubok ng isang sakit ang tibay ng kanilang pagmamahalan nang ma-diagnose si Maxine ng osteo sarcoma, isang uri ng cancer sa buto. Ang masaklap pa, nasa stage 4 na pala ang kanyang sakit. Halos tumigil ang mundo ng dalawa nang mamaalam ang dalaga sa araw kung kailan sabay sanang magse-celebrate ng kaarawan ang magkasintahan.
Kakaibang istorya ng Oplan Sita ang nadinig ng mga Kapamilya, matapos itong maging oplan sinta. Sa libu-libong pinapahinto ni P02 Mohammad Amir sa kalsada, nabihag ng teacher na si Clarisse ang kanyang puso. Kahit pa magkaiba ang kanilang relihiyon, hindi ito naging hadlang para mauwi sa kasalan ang kanilang pagmamahalan.
Tumatak din ang love story nina Marco at Vivian. Noon, binubully lang ni Vivan si Marco pero hindi niya inakala na mahuhulog ang loob niya sa binata. Kahit pa marami ang nagsabing hindi sila bagay, naniniwala ang dalawa na hindi sa panlabas na anyo masusukat ang pagmamahal sa isa’t isa.
Naging kontrobersyal naman ang May-December love story nina Danny at Lorna. Kahit pa tatlong dekada ang agwat, matamis pa rin ang pagtitinginan ng dalawa.
Kung may real-life couple sa showbiz na inaabangan ng fans, ‘yan na siguro ang love story ng King and Queen Of Hearts na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla. Sa loob ng 7 years, nanatiling matibay ang relasyon ng dalawa. Kapag hindi busy sa trabaho, may time sila for each other kaya kilig na kilig ang fans sa mga litrato ng travel diaries ng KathNiel. Latest ang magical moment nang makita ng magkasitahan ang tanyag na Nothern Lights ng Iceland. Bukod sa Iceland, naglibot din nang magkasama sina Kathryn at DJ sa Land of the Rising Sun, Japan, at sa City of Lights Paris, France.