Bunso sa tatlong magkakapatid at tubong Matalam, North Cotabato ang 34 na taong gulang na si Bernado. Pitong taong gulang siya nang unang umusbong ang bukol sa kanyang braso, na noo’y sinlaki lang ng kamao. Hindi niya ito pinansin, dahil inisip niyang hindi naman ito magiging sagabal sa pangarap niya na maging isang pulis. Nagsimula na rin siyang magtrabaho sa taniman ng mais sa edad na onse, nang maghiwalay ang kanyang mga magulang. Pinagsabay niya ang pagtatrabaho at pag-aaral. Matapos ang tatlong taon, bumalik ang kanyang ama pero mas pinili ni Bernado na humiwalay sa pamilya at huminto sa pag-aaral.
Nakarating ng General Santos City si Bernardo kung saan nagtrabaho siya bilang taga-hulma ng hollow blocks. Mabigat ang trabaho, pero tiniis niya ito para kumita ng 450 pesos kada araw. Kahit hindi na nakatira kasama ng pamilyang nasa Cotabato, hindi niya kinalimutan ang mga ito kaya regular din siyang nagpapadala ng pera. Nang lumaon, halos magkasunod na pumanaw ang kanyang mga magulang. Ang masakit na pagkawala ng mga magulang, nadagdagan pa ng unti-unting paglaki ng bukol sa kanyang braso. Ang naturang bukol, umabot na sa higit dalawang kilo, pero ni minsan ay hindi niya ito napatingnan sa doktor.
Dinala ng Rated K si Bernardo para malaman ang kanyang kondisyon. Sa initial check-up ng doktor, posible raw na isang genetic disorder ang bukol ni Bernardo, na kung tawagin ay ‘Neurofibromatosis Type 1.’ Isa sa bawat apat na libong tao ang apektado ng ganitong klase ng kondisyon. Bukod sa kanyang braso, marami ring bukol sa iba pang parte ng katawan ni Bernardo, kaya tiningnan na rin siya ng isang dermatologist, at pareho ang naging findings.
Payo ng doctor, mas mainam na sumailalim sa MRI test si Bernardo para malaman kung ang mga bukol ay umabot sa kanyang utak at spinal cord. Humihingi ng tulong ngayon si Bernardo sa mga may mabuting kalooban para maagapan ang kanyang kondisyon. Sa mga nais tumulong, maaaring makipag-ugnayan sa Rated K office sa numerong 3415-2272 local 5466 or 5371. O kaya ay mag-email sa ratedkofficial@gmail.com.